OPORTUNISTA talaga! Kung kailan may problema ang gobyerno sa dalawang kadadaan na bagyo, saka naman umatake ang New People’s Army (NPA)! Akala ko ba minaliit na lang ng AFP ang kakayanan ng NPA na manggulo sa bansa? Sinalakay ng mga NPA ang tatlong minahan sa Surigao del Norte noong Lunes kaya nagsara muna ang ilang minahan dahil dito. Sinunog ng NPA ang ilang kagamitan at paraw.
Ayon sa NPA, parusa raw ito para sa taun-taong paglalapastangan ng kompanya sa kalikasan, at pag-iiwas na pagbayad ng tamang buwis sa lokal na pamahalaan dahil lahat dinadaan lamang sa pagsuhol ng mga opisyal. Ayon naman sa kompanya at sa AFP, parusa raw ito dahil ayaw magbayad ng mga kompanya ng “revolutionary tax” sa NPA. Anuman ang dahilan, mali pa rin. Sino ba ang NPA para kumilos na huwes ng bayan? Walang karapatan ang NPA na magpataw ng anumang parusa dahil may lehitimong gobyerno ang Pilipinas at hindi sila iyon. Pinagsamantalahan lang ang mga problema na dinadanas ng Luzon ngayon kaya inisip umatake. Kung may mga masasamang ginagawa ang mga minahan sa kalikasan o sa mamamayan, trabaho ng lehitimong gobyerno ang dapat kumikilos, hindi ang isang armadong grupo!
Nangako naman ang administrasyong Aqui-no na hahabulin ang NPA at parurusahan. Mas maganda siguro kung parusahan na lang kahit wala nang anunsiyo o pahayag. Napakatagal nang problema ng insureksyon ng NPA, kaya dapat lang matapos na. Hindi mangyayari ang mga ganyang insidente kung wala nang NPA. Kung may kakayahan nga ang gobyerno laban sa NPA, pakawalan na ang mga aso ng digmaan, ika nga! Wala na sigurong saysay ang pag-uusap pa kung ganyan naman ang pinakikita ng NPA sa mamamayan. Tapos na ang panahon ng pag-uusap. Kailangan habulin at sila naman ang parusahan para sa ginawang krimen. Marami pang problema ang gobyerno na kailangang asikasuhin. Hindi na kailangan ang isa pa!