MAY sunog sa kalye namin maka-hatinggabi nu’ng Huwebes. Nagliyab ang kable ng kuryente sa kahabaan ng bloke, nadarang ang mga puno, at nagbadyang lulundag sa kabahayan. Nagbayanihan ang mga kapitbahay ilisan ang dalawang pamilya. Tumawag kami sa Meralco emergency hotline 16211. Nilista kami ni call receptionist Danna bilang Reference No. 75889, at nangakong darating ang saklolo sa loob ng dalawang oras.
Tumawag kami sa fire station sa Commonwealth Ave.-QC para humingi ng mas agarang kilos. Nang sabihan ng uri ng liyab, sagot ni dispatching Fire Officer Emelito Samonte na Meralco dapat ang tawagan. Nagmakaawa kami na gumagapang ang liyab sa kable, at nagbabantang pinsalain ang mas maraming kabahayan, kaya mabuting nasa site sila sakaling lumala ang sunog. Patuloy niya inusisa kung bakit hilo kami na Meralco, di bumbero, ang tagaharap sa electrical fires. Hiningi namin makausap ang hepe. Ayaw niya nu’ng una pangalanan si Sgt. Hermenio Raboy, tapos sinabing titingnan niya kung ano’ng magagawa.
Makalipas ang isang oras dumating ang fire truck. Nakaskas na noon ng subdivision utility man ang kahabaan ng kable para hubaran ng nagsisinding rubber insulation. Nanood lang ang lima-kataong fire crew kasi wala raw silang kakayahang sugpuin ang electrical fire. Sinita nila ang utility man sa paggamit ng maari magningas na bamboo pole bilang pangkaskas. Bakit inabot sila nang isang oras sa pagresponde, tanong namin. Galing daw sila sa ibang sunog, angil ni team leader Garcia, kaya huwag sila kutyain na parang kami ang nagsusuweldo sa kanila. Pinansin ng mga kapit-bahay na, sa nagsasabing katatapos lang magpatay-sunog, tuyo ang mga damit at plantsado ng gel ang buhok nila.
Isa pang oras namatay nang kusa ang sunog. Umalis ang fire crew. Buong araw ang lumipas, walang dumating na Meralco emergency crew. Balita kinaumagahan ang pahayag ng Malacañang spokeswoman na sa sakuna ay natural lang na may mamatay, masaktan o masalanta. Talaga?