BAKIT nga ba Judge Hilarion Clapis ng Regional Trial Court Branch 3 sa Nabunturan, Compostela Valley? Bakit? Bakit?
Judge, bakit mo nga ba agad-agad dinismiss ang rape case na inihain ng isang babae laban kay Fr. Melvin dela Cuesta sa unang araw pa man din ng pagdinig sa iyong sala noong nakaraang Miyerkules?
Hanggang ngayon hindi ko pa rin maintindihan ang naging pasya mo, Judge. Totoo, naging masyadong mabagal ang usad ng hustisya sa ating bansa. May mga kaso na umaabot nga ng anim hanggang 10 o di kaya’y 15 taon bago magkaroon ng final na hatol. Ngunit ang ginawa mo po Judge ay sobrang bilis pa sa kidlat. At iyon ay hindi na makatarungan para sa biktima.
Ang biktima ay naging isang part-time clerk sa St. Therese of the Child Jesus Parish noong nangyari ang insidente noong 2006. At nitong huli nga lang ay pina-file ng Department of Justice ang kaso laban sa pari pagkatapos itong ibinasura ng provincial prosecutors office noong 2006.
Citing Supreme Court jurisprudence, the DOJ said, “Settled is the rule that no woman in her right mind would openly acknowledge the violation of her person and allow the examination of her private parts if she has not been raped.”
Humagulgol ang biktima nang makita niyang muli ang pari sa court room ni Judge Clapis pagkaraan ng limang taon. At lalo siyang umiyak nang idineklara ng Judge na “case dismissed” kahit hindi pa pinakinggan ang panig nila.
Ang pinag-usapan nga ng araw na iyon ay kung mag-issue ba ang judge ng warrant of arrest o hindi laban sa pari. Ngunit agad-agad ang sinabi ng Judge ay case dismissed.
Hindi man lang nabigyan ng kahit konting semblance na talagang dininig ang dalawang panig ng kaso bago ito dinismiss. Ang agarang pag-dismiss ni Judge Clapis ng kaso ay talagang nakakadismaya.
Maraming sinabi si Atty. Ronald Javines na maging petition laban sa iyo --- ‘gross ignorance of the law, grave abuse of discretion, circumvention of the law and mockery to the whole justice system in the Philippines’.
Ayokong pag-usapan ang mga sinasabi ni Atty Javines dahil yon ay mga legal remedies nila sa sitwasyon na kagagawan ni Judge Clapis. Gusto ko lang malaman kay Judge Clapis bakit naging ganun ang ginawa niya at naging pasya niya.
Judge, tatanungin din sana kita—na kung nangyari sa anak mo ang ginawa mo sa complainant, maging masaya ka kaya? Magtatalon ka kaya sa tuwa at galak? O hindi ka rin kaya mangagalaiti sa galit?
Nangyari lang kasi Judge, eh, hindi mo anak yong naghain ng reklamong ginahasa siya ni Fr. Melvin noong 2006 kaya naging mas mabilis pa sa kidlat ang pagdismiss mo ng kaso.
Ngunit ayoko ring ipagdasal na sana tamaan ng kidlat ang mga may nagawang masama sa kapwa dahil baka hindi ko na marinig ang paliwanag ni Judge Clapis bakit nga niya dinismiss ang kaso laban kay Fr. Melvin dela Cuesta nang ganoon kabilis.