TUMATAGINTING na P5 milyon pala ang pondo ng kontraktor bilang panlangis sa mga pulitiko sa Marikina City kada taunang proyektong Tiangge sa Ilog ng siyudad. Ang tiangge, ay itinatayo sa pampang ng Marikina River at ang kontraktor ay naglalangis hindi lang sa mayor kundi maging sa konsehales at kapitan ng barangay para wala nang sagabal sa takbo nito. Kadalasan, magbubukas ang tiangge sa tuwing huling linggo ng Setyembre at aabutin na ito ng lampas Pasko. Sinabi ni Konsehal Elmer Nepomuceno na ang mga konsehal ay tumanggap ng tig-P100,000 kapag pumirma sila sa kontrata para ayunan ang operation ng tiangge. At ang mga barangay chairmen naman ay tig-P50,000 ang tinatanggap. Hindi naman lahat ng konsehal ay tumanggap ng “langis” sa kontraktor. Sila ay sina Nepomuceno, Carissa Carlos, Ronnie Acuna, Boggs Reyes at Jojo Ortiz. Mga taga-Marikina tandaan ang mga pangalan ng mga konsehal n’yo na hindi corrupt at suportahan sila sa susunod na election.
Sinabi ni Nepomuceno na ang acting city administrator at chairman ng isang committee ng City Council ang nagpamudmod ng pitsa sa mga konsehal at barangay chairmen noong nakaraang taon. Ang masama, may hawak na sworn affidavit ng isang kontraktor si Nepomuceno at handa siyang ihain ito sa Office of the Ombudsman. ‘Ika nga, maghahain si Nepomuceno ng kasong criminal at administratibo sa lahat ng binanggit ng kontraktor. Kasama na sa hawak ni konsehal ang mga resibo sa pagbigay ng libreng bakasyon sa Subic sa barangay chairmen.
Nasa warpath na naman si Nepomuceno na hindi umuurong ang bayag sa pakikipagtuos niya sa katiwalian sa liderato ni Mayor Del de Guzman.
Kung sabagay, hinahalungkat din ni Nepomuceno ang iba pang katiwalian sa Marikina hindi lang patungkol sa tiangge kasama na ang sakayan sa ilog. Kasama na rin ang pag-railroad ng mga resolution sa Konseho para bigyan ng awtoridad si De Guzman para pumasok sa mga kontrata na disadvantageous naman sa city government. Kabilang na riyan ang kontrata ng Prime Global at Marikina Hotel, ang road infrastructure, construction and repairs at ang memorandum of agreement sa Mercury Drug kung saan ang pinirmahang kontrata ay me maraming blankong linya.
Sinabi naman ng espiya ko na sa taon na ito, ang tiangge ay ilalagay sa gilid ng munisipyo sa pangambang kapag bumagyo ay umapaw ang Marikina river. Hindi ko lang alam kung saan naman mamumugad ang mga peryahan na palaging nasa paligid ng tiangge. Ayon sa aking espiya, isang alyas Roy na taga-Provident Village ang nakakuha ng lahat na puwesto ng peryahan sa Marikina sa taon na ito at kasama na rito ang sa Bgy. Parang na magbubukas na. Di ba Bong Bungal Sir? Abangan!