ANG orihinal na intensyon ng Oil Deregulation Law ay alisin ang kontrol ng gobyerno sa presyo ng petrolyo at magkaroon ng healthy competition sa mga kompanya ng langis. Mabuti sana ang batas dahil masyadong dinudugo ang gobyerno sa pag-aabono sa petrolyo sa pamamagitan ng susbsidiya tulad nang ginagawa noon.
Pero hindi healthy competition ang nangyari. Parang nahikayat pa ang mga kompanya ng langis, lalu na yung tinatawag ng “Big Three” na bumuo ng cartel sa presyuhan ng petrolyo.
Mapapansin natin na ang mga kompanyang ito ay sabay-sabay kung magtaas ng presyo at halos pare-pareho ang ipinapataw na dagdag-singil. Parang pinagkakasunduan!
Kaya naniniwala akong panahon na para susugan ng Kongreso (Senado at Kamara de Representante) ang batas. Ayon kay Senador Ralph Recto, panahon nang amiyendahan ang Oil Deregulation Law. At bakit nga hindi eh dahil hindi naman nito napipigil ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petroyo.
Idinaraing ng transport sector ang walang patumanggang pagtataas sa halaga ng petrolyo na ang isinasangkalan ay ang paggalaw ng presyo ng imported na krudo sa world market. Nag-aakusa ang mga nasa transport sector na overpriced ng P9 ang presyo ng petrolyo kaya dapat silipin ang mga libro de kuwenta ng mga kompanya.
Ang masaklap, ayaw ipasilip ng mga kompanya ang kanilang mga libro na animo’y may itinatago sa publiko. Kaya sige Mr. Senator, maghain ka na ng resolusyon para mapasimulan ang pagsusog sa inutil na batas na tila pumabor pa nga sa mga kompanya imbes na sa mga mamamayan.
Gusto ni Recto na magkaroon pa ng mas maraming players sa oil industry. Sa ngayon nga naman, kontrolado ng tinatawag na Big 3 ang maliliit na players.
Gusto rin ni Recto na magkaroon ng limitasyon sa kita ng mga oil companies.
“ Two ways of looking at it one will be to impose more competition. The other is to set a cap on the profit,” aniya. Dapat aksyonan ang problema dahil marami ang apektado. Hindi lang motorista ang nagdurusa kundi lahat, lalu na ang mga mahihirap na apektado sa pagtaas sa halaga ng ibang paninda.