PABATA nang pabata ang mga naninigarilyo. At walang ibang kahahantungan ang maagang pagkalulong ng mga kabataan sa sigarilyo kundi ang pagkakasakit. At walang ibang bumabalikat sa dakong huli kundi ang pamahalaan din sapagkat malaking bahagi ng pondo ay nauuwi lamang sa mga gastusin ng ospital ng gobyerno.
Sa isinagawang pag-aaral ng University of the Philippines at anti-tobacco group Health Justice, napag-alaman na 435 estudyante sa walong public high schools sa Quezon City ang naninigarilyo. Nasa edad 13-16 lamang sila pero lulong na sila sa sigarilyo. Maaga nilang sinisira ang katawan dahil sa bisyong sigarilyo. Karaniwang sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay cancer sa baga, sakit sa puso.
Sa ganitong problema na ang mga kabataan ay maagang natututong manigarilyo, pinapanukala ng grupong Health Justice na taasan ang presyo ng sigarilyo. Ito anila ang mabisang paraan upang mapigilan ang mga kabataan sa paninigarilyo. Ayon kay Health Justice technical consultant Jo-Ann Latuja, maraming kabataan ang maagang nalululong sa paninigarilyo dahil mura ang presyo ng sigarilyo. Ang Pilipinas umano sa Southeast Asia ang may pinakamurang sigarilyo.
Kung tataasan daw ng 156 percent ang presyo ng sigarilyo, maaaring wala nang bumili sapagkat napakamahal nito. Sa ngayon, ang isang kaha ng sigarilyo ay P32. Kung 156 percent ang itataas, ang magiging presyo ng isang kahang sigarilyo ay magiging P82. Kung bibilhin ng tingi ang bawat stick ng sigarilyo ay magiging P5. Ayon kay Latuja, mahihirapan nang bumili ang mga estudyante kapag naging P5 ang bawat stick.
Maganda ang payo ng Health Justice para makaiwas sa sigarilyo ang mga kabataan. Dapat suportahan ang balak na ito upang wala nang high school students na manigarilyo. Ang paggabay din naman ng magulang sa kanilang anak ay nararapat. Paigtingin din naman ang pagbabawal na pagbebenta ng sigarilyo sa kabataan. Arestuhin ang mga magbebenta ng sigarilyo sa menor-de-edad. Nararapat din naman ang pakikialam ng Department of Health (DOH) sa problemang ito. Magsagawa ng puspusang kampanya para maiwasan ng kabataan ang pagkasugapa sa sigarilyo.