INAMIN ni Quezon City Register of Deeds(RD) Elbert Quilala na alam niyang kuwestiyonable ang inisyung titulo kay Wilfredo Torres, pero ginawa niya lang ito dahil sa pagsunod sa utos ng korte. Napilitan siya umano na mag-isyu ng titulo, kahit alam niyang mali ito, dahil sa kapangyarihan ng korte. Inaresto na nga siya noon dahil sa hindi pagsunod sa utos ng korte, na may kinalaman din sa nasabing titulo. Nagsisisi na siya ngayon, at nagbigay ng salaysay sa mga kongresista. Mas makakahinga na rin ng konti ang mga residente ng mga apektadong lugar na inaangkin ni Torres sa pahayag na ito.
Pero hindi dapat nagtatapos dito ang gulong ito. Kung umamin na ang RD na kuwestiyonable ang titulong hawak ni Torres, dapat ipawalambisa na ng korte ang anumang pag-aangkin ni Torres sa mga lupaing tinutukoy. Kaila-ngang imbistigahan na rin ang lahat ng tao na sumuporta kay Torres sa kanyang pag-aangkin ng ekta-ektaryang lupain sa Quezon City! Umamin na ang RD, dapat mga tao sa munisipyo, pati na yung judge na nag-utos na bigyan na ng titulo si Torres ay kailangang magpaliwanag, o kaya’y imbistigahan ng Korte Suprema! Kung mapapatunayang may sabwatan ang mga ito, pati na yung mga pulis, SWAT pa nga, na sumama sa pagsakop na sana ng isang lupain kung saan may nakatayong negosyo! Hanggang ngayon, ilang linggo na ang nakalipas, wala pa ring paliwanag ang Quezon City SWAT o QCPD kung bakit sila ang kinailangang sumama sa pagsakop ni Torres sa isang lupain! Baka naman puwedeng sagutin ni PNP Director General Nicanor Bartolome ang tanong sa pangyayaring ito.
Malinaw na malakas ang kapangyarihan ng korte at PNP. Dalawang sangay na maagang pinaboran ang mga kilos ni Torres, sa halip ng mga reklamo at kasaysayan ng tao. Hindi dapat nagpapagamit ang dalawang sangay na ito, para lang sa interes ng isang indibidwal! Dapat lang magpaliwanag ang judge sa kanyang desisyon, pati ang lider ng QC SWAT kung bakit sila ang sumama, at hindi mga regular na PNP. Para malaman na rin kung gaano kahaba ang galamay ng sindikatong ito! Isipin na lang kung hindi lumaban ang mga residente!