Editoryal - Publiko ang pinahirapan

NATULOY ang welga ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) kahapon. Kahit isang grupo lang ang nagwelga, marami ring pasahero ang nahirapang sumakay. Maraming nag-aabang pero walang masakyan. May mga report na hinaharang ang mga dyipni na ayaw makisama sa welga. Mayroong mga militanteng grupo na humiga sa kalsada para walang makadaan na sasakyan. Mayrong pro­testers na nagmamartsa sa kalsada kaya ang idinulot ay ang pagkakabuhul-buhol ng trapiko. Kahit nabawasan ang mga dyipning pumasada, matrapik pa rin sapagkat suspendido ang color coding.

Maraming pasaherong hindi makasakay kahapon ang nagmumura sapagkat atrasado na siya pagpasok sa opisina. Wala raw naidudulot na buti ang ginawa ng PISTON sapagkat ang mama­mayan lamang ang pinahirapan. Hindi naman daw makatao ang ginawang pagwewelga. Maraming pinerwisyo.

Nakaraos ang welga. Ngayong araw na ito, balik­ muli sa dating pamamasada ang mga drayber. Maghahanapbuhay muli. Aasa na naman sa mga pasahero. Kung walang maisakay na pasahero, kawawa sila sapagkat walang kikitain. Hindi sila kakain kapag walang pasahero. Magugutom ang pamilya nila kapag walang sumakay sa kanilang pinamamasadang dyipni.

Paano naman kaya kung ang mamamayan ang magwelga at walang sumakay sa dyipni. Ano kaya ang mangyayari sa kani-kanilang pamilya. Sa ginawa kahapon ng PISTON, wala silang ibang pinahirapan kundi ang mamamayang tumatangkilik sa kanila. Ang kinawawa nila ay ang nagbibigay sa kanila ng hanapbuhay. Hindi makatao ang kanilang ginawa sa publiko na pinahirapan kahapon.

Ipinuprotesta ng PISTON ang pagtaas ng presyo ng gasoline at diesel. Bakit hindi sa mga mala­laking oil companies sila magprotesta. Bakit hindi sila magkaisa na huwag bumili ng gasoline at diesel? Ipinuprotesta rin ang pagpapataw ng fee sa tollway. Bakit hindi sa management ng NLEX at SLEX sila magparating ng hinaing?

Galit sila sa mga kompanya ng langis at sa pagpapataw ng toll fees pero ang mamamayan ang kanilang pinahirapan at pinasakitan. Hindi naman tama ang kanilang ginawa.

Show comments