EDITORYAL - Sige, ipakilala ang magandang Pilipinas

UNANG pagpapakita pa lamang sa press ni bagong Tourism Secretary Ramon R. Jimenez Jr. noong nakaraang linggo ay nagpakita na siya ng positibo. Kaya niyang gawin ang trabaho sa turismo at magtatagumpay siya. Kakaiba siya kay Alberto Lim na nagbitiw sa puwesto dahil napapabayaan na raw ang pamilya dahil sa trabaho. Unang pagsasalita pa lamang ni Jimenez sa media ay nakukumbinsi na agad niya ang mga nakikinig. Nahihikayat agad niya ang marami at napapaniwala na “pinaka-maganda ang Pilipinas”. At dahil maganda ang Pilipinas, walang dahilan para hindi magtagumpay sa pagpapakilala nito sa mundo. Madali lang aniya na maipakilala at walang ibang gagawa nito kundi ang mga Pilipino mismo. Lahat ng Pilipino ay dapat mahikayat sa turismo at sa pamamagitan nito, makikilala na ng mundo ang Pilipinas. Walang ibang gagawa kundi ang mga Pilipino mismo.

Dapat pala ay si Jimenez na ang iniupo ni President Aquino sa Department of Tourism noong nakaraang taon. Kung siya ang namuno sa Tourism ay baka maunlad na ang turismo. Naipakilala na sa mundo at marami nang dumadagsa. Nagkamali si P-Noy sa pagpili sa dating Tourism secretary na walang nagawa sa loob ng 14 na buwan. Gumawa pa ng slogan “Pilipinas Kay Ganda” pero kopya pala sa ibang bansa ang desenyo.

Ngayong may mga plano na si Jimenez sa pag­papaunlad ng turismo, ang dapat niyang balang­kasin ay kung paano mabibigyan ng sapat na proteksiyon ang mga dayuhang dadagsa sa bansa. Simulan ang pagbibigay ng seguridad sa pagbaba pa lamang sa NAIA. Huwag hayaang mabiktima ng mga kawatan o manloloko. Marami nang kaso na mga turistang hinoldap, inagawan ng bag, relo at iba pa at masaklap ay ang pang-hohostage gaya nang nangyari sa Quirino Grandstand noong Agosto 23, 2010 kung saan walong Hong Kong tourists ang napatay ng isang sinibak na police officer.

Positibo si Jimenez na magtatagumpay ang turismo. Kayang-kaya. Sige, ipakilala na ang magandang Pilipinas sa buong mundo.

Show comments