Ang durungawan ko ay munting bintana
Na doo’y tanaw ko ang langit at lupa;
Sa mumunting silid sa lungkot sagana
Na ang tanging yaman ay papel na luma!
Iba’t ibang papel ang sinusulatan
Ng matandang plumang pamana ni Inang;
Mabait kong ina nang biglang nawalay
Biglang nag-iba ang kulay ng buhay!
At ang masakit pa marunong kong Ama –
Hindi na nagisnan ng buhay kong aba;
Kaya naiisip kung siya’y buhay pa
Hindi magdarahop at ako’y masaya!
Ang mga kapatid na limang lalaki
Hindi na kapiling sa pamimighati;
Ang tanging naiwan nag-iisang Ate
Malayo ang bahay sa nayon nagpirmi!
Kaya anong yaman at ano ang layaw
Na sa lupa’t langit laging tinatanaw?
Wala na nga wala kundi hirap lamang
Ng diwa at puso kung gabing mapanglaw!
O kay lungkot pala ng buhay kong ito
Kumpara sa buhay nang maraming tao;
Sa munting bintana ang tanging destino’t
Humabi ng tulang ikabubuhay ko!
At kung hatinggabi ula’y pumapatak
Ang munting bintana’y sarado at lapat;
Pati lupa’t langit na laging kayakap
Ay natatampo rin at ayaw lumingap!
Hinahanap ko rin ang mga bituin
At saka ang buwan kung gabing malalim;
Kahi’t isang kislap ay walang mapansin
Sa butas ng bubong saka sirang dingding!
Kaya minabuting sa tuwing hihiga
Di na iniisip ang maraming wala’t
Ang kinakapiling ay hangad ng diwa -
Sana sa umaga muling makakatha!