SA pagpunta ni President Aquino sa China, kasama ang mga malalaking negosyante at ilang miyembro ng Gabinete, muling nabubuhay ang usapin ng National Broadband Network, at ang Northrail project na pansamantalang pinahinto. Ayon sa TV Patrol text poll noong Huwebes, sang-ayon ang karamihan ng mga rumesponde ay pabor na buhayin muli ang dalawang naunsiyaming proyekto. Natigil ang NBN na hahawakan sana ng ZTE China dahil nagkaroon umano ng suhulan at matinding patungan sa presyo ng proyekto. Kahit maganda ang benepisyo sa bansa ng NBN, agrabiyado na naman ang ma-mamayang Pilipino dahil sa halaga ng proyekto na lumaki dahil sa mga karagdagang “gastusin” na mapupunta naman sa iilang tao!
Ganun din ang Northrail. Ang Northrail ay idudugtong sana ang Caloocan hanggang Clark sa Pampanga, para mapakinabangan na nang husto ang paliparan na rin doon. Pero maraming problema ang lumitaw sa proyektong ito, bukod sa pagiging masyadong mahal. Mga lugar na dadaanan ng riles na hindi pa natatanggalan ng mga bahay, mga right of way na hindi pa nakukuha ng gobyerno mula sa mga may-ari ng mga dadaanang lupa, at iba pa. Ganundin, malaki ang pakinabang at maidudulot na ginhawa para sa maraming Pilipino kung matutuloy ang proyekto.
Pero dahil iba ang humahawak na administrasyon, gustong pag-aralan nang mabuti ang dalawang proyekto at alamin kung bakit nagka-problema. Dahil sila na ang kumakausap sa mga tiga-China, gusto ni President Aquino malaman ang lahat, at ayusin ang lahat para matuloy, na hindi naman agrabiyado ang mamamayang Pilipino. Ngayon, malalaman na natin kung bakit nagkaproblema. Malamang may kinalaman sa paghawak ng mga proyekto ng nakaraang administrasyon. Sana lang ay magsiwalat na rin ang mga taga-China kung ano rin ang nangyari sa panig nila. Baka may katiwalian din sa panig nila kaya nagkaproblema. Nagpahayag ng pangamba naman ang pinuno ng China na baka sila naman, o ang mga kontratista nila ang maagrabiyado dahil naumpisahan na ang proyekto. Sa panig naman ng gobyerno, aayusin para mabayaran ang natapos na trabaho, at ipasubasta muli ang proyekto sa mga kompanyang nasa negosyo talaga ng paggawa ng isang sistema ng riles. Para malinaw, walang tinatago, wal ang ano-malya. Nasa paghawak lang naman talaga ang tagumpay ng isang proyekto. Kung suwapang lahat at gustong sila na una ang makinabang at kumita bago pa magsimula ang proyekto, wala talagang mangyayari.