O sige, habang binabasa mo ito, kapain ninyo ang inyong leeg. May nakakapa ba kayong bukol sa harap ng inyong leeg? Pagkatapos ay tumingin sa isang salamin at pagmasdan ang inyong leeg. Mayroon ba kayong nakikitang nakabukol?
Sa lalaki, may tinatawag na Adam’s apple na nakaumbok. Normal po ito. Ngunit kung mayroon pa kayong ibang nakakapa o nakikita sa inyong leeg, dapat ito ikunsulta sa doktor. May mga bukol kasi na tumutubo sa ating thyroid gland.
Paano sinusuri ang thyroid gland?
Ang thyroid gland ay matatagpuan sa harap ng ating leeg. Ito’y hugis paruparo at karaniwan ay hindi nakikita o nakakapa.
Ang bukol sa thyroid gland ay madalas natatagpuan sa mga kababaihan. Sa katunayan ay 12.5% ng kababaihan ay magkakasakit sa thyroid.
Kung kayo ay may bukol sa thyroid, ito ang mga pinagagawa ng doktor:
Ipa-check ang inyong Free T3, Free T4 at TSH. Malalaman natin kung ang thyroid ninyo ay (a) hyperthyroid o sobra sa thyroid hormones, (b) hypothyroid o kulang sa thyroid hormones, o (c) normal lang ang thyroid. May mga gamot para sa hyperthyroid at hypothyroid.
Magpagawa ng Thyroid Scan o Ultrasound. Makikita natin kung may bukol nga o wala. Masusukat din ang laki at hugis ng thyroid gland.
Ano Ang Gagawin Sa Bukol Sa Thyroid?
Ayon sa isang magaling at mabait na surgeon, si Dr. Anthony Ang ng Manila Doctors Hospital, kailangan bantayan ang lahat ng bukol sa thyroid. Kapag maliit pa ang bukol (mas maliit pa sa butones), puwede pa natin ito obserbahan at pagmasdan kung lalaki pa. Magpagawa ng Thyroid Scan bawat taon para mabantayan ito.
Ngunit kung ika’y may nararamdaman na, tulad ng hirap lumunok, makabog ang puso, o may abnormal na resulta sa T3, T4 at TSH, dapat na itong gamutin.
Kadalasan ang mga bukol sa thyroid ay inooperahan. Wala kasi talagang gamot na pampaliit nito. Ang gastos sa operasyon ay mga P60,000 sa pribadong ospital at P15,000 hanggang 20,000 sa charity hospital ng gobyerno.
Bakit kailangang operahan itong mga bukol? Dagdag ni Dr. Ang, “Minsan ay cancer ang sanhi nitong mga bukol. Maganda na matanggal ito ng maaga para hindi na kumalat pa.”
Huwag munang mangamba. Magtanong sa iba’t ibang doktor para mahanap ninyo ang tamang gamutan para sa inyo. Good luck po!