MALAKI ang responsibilidad ng mga pampasaherong sasakyan sa publiko. Tungkulin nilang maihatid ng ligtas ang pasahero sa destinasyong pupuntahan.
Kapalit ng kanilang serbisyong ligtas at kumporta-bleng biyahe ay karampatang halaga na binabayaran ng pasahero.
Subalit paano kung ang pinagkakatiwalaan mong pampublikong sasakyan ay pumalpak, nagkulang at nagpabaya? Siyempre, magrereklamo ang kahit sino.
Paano naman kung dinedma, hindi binigyan ng pan-sin at ipinagwalang bahala ang inyong reklamo? BITAG na ang katapat nito!
Oh, CUL Bus diyan sa Pasay, kayo ang tinutukoy ng kolum na ito. Halos nagmakaawa ang pobreng pasahero na biktima ng inyong kapabayaan, patay-malisya pa rin kayo!
Hindi niyo pa alam? Eto ang reklamo, nakarating hanggang Samar ang inyong pasahero subalit ang kaniyang bagahe na nakalagay sa compartment ng inyong bus, nawawala.
Ang siste, simula Samar ay nangako na ang inyong pamunuan na gagawan ng paraan upang ma-trace kung saan o kung sino ang kumuha ng bagahe ng inyong pasahero.
Dahil wala kayong abiso kung ano na ang nangyari sa kaso, lumuwas ulit ng Maynila ang pobreng biktima. Nangako raw ang CUL Bus Transport na babayaran na lamang ang mga nawalang bagahe kung magkano ang halaga nito.
Dito pa lang, inamin niyo nang may pagkakamali kayo. Ang problema, ilang beses nang umiyak, lumuhod at nagpumilit pumasok ng biktima sa inyong tanggapan, ipinagtatabuyan niyo naman.
Para sa kaalaman ng tutulug-tulog na pamunuan ng CUL Bus Transport, naipaa-bot na ng BITAG ang rekla-mong ito sa Land Transportation and Franchising Board.
Ayon sa LTFRB, may pananagutan ang CUL Bus Transport sa problemang ito dahil nagbayad ang pasahero ng bukod sa kaniyang pasahe para sa pangangalaga ng kaniyang bagahe.
Kaya naman sa patawag ng LTFRB sa loob ng linggong ito, gustong makita at makaharap ng BITAG ang tigasing nagmamay-ari o representante ng CUL Bus Transport kung paano sa-gutin ang reklamong ito.