“HAWAK na ng MILF ang bola.” Ito ang pahayag ng negosyador sa panig ng gobyerno, matapos tanggihan ng MILF ang alok ng gobyerno na genuine autonomy sa kanila. Mas lalawak sana ang sakop ng bagong awtonomiya, kaysa sa kasalukuyang teritoryo na sakop ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM). Ang ARMM ay nabuo nang magkasundo ang Moro National Liberation Front (MNLF) at gobyerno. Humiwalay ang MILF sa MNLF at pinagpatuloy ang laban para sa isang Bangsamoro. Ngayong nag-uusap ang gobyerno at MILF para sa kapayapaan, may humiwalay naman na grupo — ang grupo ni Ustadz Ameril Umbra Kato!
Kaya nasa MILF naman kung ano ang kanilang gagawin ngayon tinanggihan ang alok ng tunay na awtonomiya mula sa gobyerno. Kung ipipilit ang gustong “substate”, malaking problema ito dahil unang-una, wala sa Saligang Batas ang pagbubuo ng isang substate, o paghihiwalay ng anumang teritoryo ng bansa. Dapat mabago muna ang Saligang Batas bago mapag-isipan pa ang pagbibigay ng isang substate. Sa tingin ko mahirap magawa iyon, dahil tatanungin din ang mamamayan ukol dito, at karamihan ay ayaw pumayag sa pagbibigay ng anumang teritoryo ng bansa. Kung ano na ang gagawin ng MILF ang inaabangan ng lahat.
Hindi naman siguro iniisip na bumalik sa gubat at ipagpatuloy ang laban. Dito, parehong panig ay sang-ayon sana na ang rebolusyon ay hindi sagot sa problema ng Mindanao. Kampante naman ang mga negosyador na makakarating sa isang kasunduan kung saan lahat ng panig ay panalo, lalo na ang mamamayan ng Mindanao na sawang-sawa na rin sa karahasan. Malaki pa naman daw ang lugar na puwede pang pag-usapan, dahil hindi naman humihingi na ng independensiya mula sa Pilipinas. At ang pag-uusap ng dalawang pinuno sa Japan ay patunay na gusto nang matapos ang gulo.
Sana nga ay hindi matigil ang paghanap ng mga lugar na puwedeng pagkasunduan, para magkaroon na ng kapayapaan sa Mindanao. Huwag lang manggugulo si Umbra Kato! Sa pinaka maliit na indikasyon na siya’y manggugulo, harapin kaagad ng puwersa, at sugpuin na! Huwag nang hintaying lumakas pa ang puwersa at dumami ang mga mandirigma, o mag sanib-puwersa pa sa Abu Sayyaf. Baka dumating ang araw, sila naman ang kailangang kausapin para sa kapayapaan! Kung ang MILF ay tinakwil na si Umbra Kato at tinawag na “bughaat”, hindi na dapat binibigyan ng timbang ang kanyang pagtiwalag at tawagin nang kalaban ng bansa.