ATAT na atat na si Moti Arceo, bagman ni Pasay City Mayor Antonio Calixto, na mapabuksan ang pasugalan at iba pang illegal sa siyudad. Halos tatlong buwan nang sarado ang pasugalan sa Pasay at naghihikahos na ang mga barangay chairmen at ang bulsa ni Calixto ang apektado. Hindi naman basta mabuksan ang pasugalan dahil sa sulat ni Calixto kay Sr. Supt. Napoleon Cuaton, hepe ng pulisya, na nag-uutos para maipasara ang pasugalan sa Pasay. Kaya ang unang balak ng kampo ni Calixto ay ipasibak si Cuaton. Sumulat na sila kay Interior Sec. Jesse Robredo. Kaya lang, nakasandal sa pader si Cuaton. Handang gumastos ang negosyanteng si George del Rosario, padrino ni Cuaton, para manatili ito sa puwesto. Si Del Rosario ay naglabas ng P150 milyon noong election para lang manalo si Calixto. Subalit ngayon ay hindi na nagkaintindihan sina Calixto at Del Rosario at ang unang casualty ay si Cuaton.
Hindi iniinda ni Arceo ang pagsara ng pasugalan dahil meron naman siyang milyon sa mga illegal terminal sa Pasay. Subalit ayon sa mga kausap ko, gusto rin ni Arceo na madagdagan ang kita kaya minamaniobra niyang bumalik ang kasiglahan ng pasugalan sa Pasay. Walang gustong mamuhunan sa Pasay dahil sa tingin ng mga kapitalista hindi matitinong tao ang mga kausap nila. Pabagu-bago ang desisyon at hindi magiging maganda ang takbo ng tabakuhan.
Nireport ng aking espiya na kinausap ni Arceo si Boy McNutt (Leonides Cuneta sa tunay na buhay) para siya na ang magpatakbo ng pasugalan sa Pasay.
Si McNutt ay anak ni dating Mayor Pablo Cuneta at dating may hawak ng mga illegal sa Pasay noong buhay pa ang tatay niya. Subalit papayag kaya si Aging, ang sakla king ng Malabon, na ibigay kay McNutt ang mga lamesa niya na walang laban? Isa pa, hindi pa bayad si Calixto sa pagkakautang niya kay Aging. Milyon din ito tiyak.
Sa tingin ko, walang win-win situation sa Pasay sa ngayon. May mamamalasin at bubuwenasin. Abangan!