HINDI tinanggap ng mga senador ang paliwanag ng kapatid ni dating Unang Ginoo Mike Arroyo na si Cong. Iggy Arroyo na inupahan lang daw ng LTA Inc. yung mga helicopter na binenta sa PNP, at Lionair ang totoong may-ari ng mga nasabing helicopter. Ayon kay Senador Ping Lacson, nagsisinungaling si Iggy at patutunayan niya ito sa susunod na pagdinig sa isyu. Pinagtatakpan na naman daw ni Iggy ang kanyang kapatid, tulad ng pag-ako niya na siya si Jose Pidal noong 2003. Talagang kapag naiipit na si Mike, pumapasok sa eksena si Iggy para saklolohan.
Kaya ngayon, kasali na rin siya sa kontrobersiya. Kung dati ay hindi naman nababanggit ang kanyang pangalan, ngayon iniimbitahan na rin siya sa Senado. Kung siya ay pupunta, isang misteryo. Kung si Mike mismo ay hindi na dumadalo sa Senado dahil lagi na lang may sakit, ano naman kaya ang dahilan ni Iggy, may sakit din? Nana-nawagan na nga ang abogado ng mga Arroyo na itigil na muna ang pagbatikos at pag-atake sa mag-asawang Arroyo dahil parehong may mga sakit. Nataon lang naman kung kailan naglalabasan na ang lahat ng mga anomalya, at may malalakas na ebidensiya pa, tsaka naman sila nagkakasakit nang malubha.
At paano titigil ang pagbatikos sa kanila, kung may bagong nauungkat na anomalya na naman? Natuklasan ng Commission on Audit (COA) na kumuha si dating President Arroyo ng halos P100 milyon, sa pondo na dapat nakalaan para kay President Aquino! Lumalabas na P98.6 milyon ang nilabas ni Arroyo mula sa Presidential Social Fund (PSF) noong May 2010. Ang pondo ay para sa June 2010 PSF na nakalaan na para kay Aquino. Paano nagawa ito? At para saan na naman ang pera? Panibagong imbestigasyon na naman kung saan marami ang siguradong magkakasakit!
Naiintindihan ko ang panawagan na dapat huminto na muna ang mga batikos at paratang sa mga Arroyo, dahil parehong may sakit. Pero yung nga, may mga naglalabasan pang mga anomalya na may kinalaman ang dating administrasyon ni Arroyo. Dapat lang ipaalam sa mamamayan, at dadating ang panahon na dapat panagutan lahat ito. Hindi ko na alam kung saan itataas ang aking kilay, sa mga anomalya o sa mga may sakit?