PUWEDE pa raw maibaba nang todo ang presyo ng gamot kung maisasangkap sa RA 9502 and pagkakaroon ng price regulatory board. Ito ang giit ni Iloilo 4th district Rep. Ferjenel Biron. Ang naturang regulatory board ay nakalakip sa orihinal na bill ni Biron na inihain sa Kamara de Representante. Sino ba naman ang tututol sa mas mababang presyo ng medisina lalu pa’t nakikita natin na marami tayong mahihirap na kababayan ang namamatay dahil walang pambili ng gamot?
Kaya nakatakdang repasuhin ang batas para malaman kung naging epektibo ba ito o kailangan pang susugan para mas lalung maging epektibo sa kapakanan ng mahirap na sektor ng lipunan. Sa organizational meeting ng oversight committee ng quality affordable medicine act sa pamumuno ni Rep. Albert Garcia, ini-refer ang HB 1386 sa sub-committee on consumer protection at trade regulation na pinamumunuan ni Rep. Tomas Apacible.
Itinakda naman ang unang pagdinig sa Agosto 23 at dito’y ipatatawag ang lahat ng apektadong sector. Sana’y magkaroon ng magandang compromise ang mga apektadong sector tulad ng mga gumagawa ng gamot at mga consumers. Mahirap din kasing magpadalus-dalos at baka maapektuhang lubha ang mga pharmaceuticals.
Ani Biron, ang pag-amyenda sa batas ay naglala-yong tugunan ang maselang problema na may kinalaman sa mga mararalitang hindi makabili ng mga medisinang sasagip sa kanilang buhay. Masyado raw limitado ang mga uri ng mga gamot na puwedeng i-regulate sa ilalim ng umiiral na batas. Sa ngayon ay 22 produkto lamang ng hanggang 1,500 formulations ang nakalista sa Philippine Drug Formulary ng DOH.
Tama nga naman si Biron. Sa kalagayang pangka-buhayan ngayon, mukhang kung sino pa ang pinakamahirap ay siyang pinakamalubhang naaapektuhan. Kaya giit ni Biron na kailangang ibalik ang mandatory price regulation na tinapyas bago mapagtibay ang batas sa isang bicameral meeting.
Kung magtatagumpay si Biron sa hangarin niya, welcome news ito sa mga ma-hihirap nating kababayan.