MOA-AD igigiit pa rin ng MILF

AGAD kinumpirma ng Moro Islamic Liberation Front ang scoop ko sa Philippine Star. Totoo raw na sa pagpatuloy ng peace talks sa gobyerno ng Pilipinas (GPH), igigiit ng MILF ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain. Saad ito sa “Final Working Draft: Comprehensive Compact” ng MILF, na sinumite na sa GPH at ipinakalat sa Mindanao.

Kinatatakutan ang MOA-AD. Maaalalang muntik nang pirmahan ng Arroyo admin nu’ng Agosto 2008 ang kasunduang ‘yun na labag sa Konstitusyon. Isasailalim sana sa ARMM ang 747 barangay, miski puro Kristiyano, nang walang plebisito. Ang ARMM ay isasali sa Bangsamoro ng MILF, na may kapangyarihan sa pulis at militar; lupa, gubat, mina, ilog at lawa; at pagbubuwis. Ibinasura ito ng Korte Suprema.

Pero nu’ng Hulyo 2009 lihim na nakipag-pulong ang Arroyo peace panel sa MILF. Disyembre 2009, anim na buwan na lang sa puwesto, nagkasundo sila na buhayin ang MOA-AD. Kaya sa 26-na-pahinang final working draft, paulit-ulit binabanggit ang MOA-AD. Mananatili sa Republika ang kapangyarihan sa teritoryo, kalakal, pera, depensa, koreo, relasyong panlabas, Customs, pagkamamamayan, at pambansang buwis.

Ililipat sa Bangsamoro sub-state ang: pampublikong kalusugan at katiwasayan; edukasyon; paglilista ng pag­ silang, kasal, pagkamatay, at tirahan; survey at pamamahagi ng lupa at patubig; pananim at gubat; ilog, lawa at pampang; pook katutubo at repormang agraryo; regulasyon sa pagkain, inumin at tabako; transportasyon at imprastruktura; turismo; piyer; coast guard at border patrol; urban at rural deve-lopment; rehistro ng kalakal, buwis panlokal; at pamamahala sa basura.

Anang MILF iiwasan nila ngayon ang mga probisyong labag sa Konstitusyon. Ito’y para magkaroon na umano ng peace settlement.

Makinig sa Sapol, Sa­ba­do, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). Bagong e-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments