'BF, para sa 'yo 'to!'

HINDI maiwasan ng BITAG na manghimasok sa isang reklamong inilapit sa amin dalawang linggo na ang nakakaraan.

Ang sumbong, pananakit ng kilalang personahe na si dating Metro Manila Development Authority Bayani Fernando.

Sa kung ano mang kadahilanan, sa BITAG napiling lumapit ng biktima. Sa umpisa, tinimbang namin ito.

May mga pagkakataon kasing ang tono ng nagre-reklamo ay masyado nang paawa. Kaya’t maingat namin pinag-aaralan ang isang kaso bago naming ito panghimasukan lalo na kung ito ay balidong sumbong.

Nasundan pa ito ng sumunod na reklamo, pananakit rin ng nasabing personahe. Sinubukan ng BITAG na tawagan ang tanggapan ni BF subalit wala kaming matinong makausap.

Mainit-init pa at katatanggap lang namin ang ikatlong sumbong laban kay BF. Mula sa e-mail, narito ang kanilang hinanakit at reklamo....

“Sa BF Metals po kami nagtatrabaho na pag-aari ni Bayani Fernando meron pong kontrata na pinipirmahan pero balewala ang kontrata...BAKIT??...January kami pumasok March 27 kami unang pinasahod pero sweldo lang ng isang kinsenas ang binigay at hanggang ngayon ganon pa din ang sistema, wala silang tumatagal na empleyado dahil sa ganong pamamalakad kaya ang nagiging solusyon ng mga trabahador ay mag resign.Kapag nakaalis na ang tao mas lalong matagal bago makuha ang kabuuang sweldo at madalas hindi nakukuha ng buo ang sweldo,hanggang sa mapapagod nalang yung tao kakahintay sa sweldo kaya ang nangyayari hindi na lang kinukuha.Natutuwa na si Bayani dahil sa kanya na

 ’yung mga sweldo na hindi nakukuha at hanggang nga-yon ganyan pa rin ang sistema..Patuloy ang applyan. Patuloy din ang pagre­resign. Patuloy din ang sweldo na hindi nakukuha na napupunta sa bulsa ni Bayani.. Sa ganitong pagkakataon kayo po ang alam naming malalapitan....Umaasa po kami sa inyong pagtugon...

 ‘‘Maraming Salamat po”

May iba pang nilalaman ang e-mail na ito na hindi na namin inilathala pa dahil sa mga salitang ginamit na lubhang sensitibo.

Bukas ang aming programa para kay BF na sagutin ang mga reklamong ito, kasama na ang mga sumbong ng pisikal na pananakit sa kaniyang mga tauhan.

Mabuti na ang nagkakaliwanagan na nagbibigay ang BITAG ng pagkakataon sa sinumang inirereklamo na magpaliwanag o ibigay ang kanilang kasagutan hinggil sa sumbong. Eto ang trabahong patas!

Show comments