PINAGKAGULUHAN sa Kuala Lumpur ang isang Twitter message noong nakaraang linggo. Kasi galing umano ‘yun kay Dato Zainah, misis ng ambassador ng Malaysia sa Maynila, si Dr. Ibrahim Saad. Isinalin sa Filipino mula Bahasa, ito ang tweet:
“Malimit ‘yun. Si Anwar Ibrahim ay malinaw na maka-Kristiyano, tagahanga ni Jose Rizal, tinaguriang infidel Malay. Huwag kalimutan.”
Tinukoy sa tweet si Anwar Ibrahim, dating deputy prime minister na ngayo’y pinuno ng Oposisyon sa Malaysia. Bumisita siya sa Maynila kahapon, at nakatakda magtalumpati ngayong umaga sa U.P.-Diliman. Paksa: Mga aral mula kina Rizal at Ninoy Aquino tungkol sa pamumuno sa ASEAN. Tiyempo ito sa buwan dahil anibersaryo ng pagkamartir kay Ninoy (Agosto 21) at pagpanaw ng asawang Presidente Cory (Agosto 1).
Galit na galit ang gobyerno ni Prime Minister Najib Razak kay Anwar. Sinisiraan siya para maudlot ang impluwensiya niya sa pulitika. Kinasuhan siya ng sodomya nu’ng 2006. at ikinulong. Sa loob ng piitan ay dalawang ulit niya binasa ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, dahil aniya “nakaka-inspira.” Pinawalang-sala siya ng korte, pero kinasuhan muli ng sodomya. Magsisimula ang paglilitis sa Agosto 8. Bastos ang pagtawag kay Rizal na “infidel Malay.” Dinadakila siya sa Malaysia, Indonesia at Pilipinas bilang “the first Malay.” Ito’y dahil inadhika niya pantay na pagturing ng mga kolonyalistang British sa Malaysians, ng Dutch sa Indonesians, at Spaniards sa mga Pilipino. Maraming rebulto ni Rizal at gusali at plaza na ipinangalan sa kanya sa Malaysia (at Indonesia, Hong Kong, Germany, America, at Espanya).
“Lahat ng hindi Muslim ay kaaway, at lahat ng kaa-way ay dapat mamatay.” ‘Yan ay tinatangkilik ng mga ekstremistang Muslim.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com