Numero unong kalaban, numero unong salot!

DALAWA sa pitong namatay na Philippine Marines ang pinugutan ng mga Abu Sayyaf sa Patikul, Jolo noong Huwebes. Higit 20 ang nasugatan sa enkwentro. Ayon pa sa mga ulat, tinadtad pa ang mga katawan ng Marines. Patungo ang Marine Batallion Landing Team-11 sa lugar na kinalalagyan nina Radulan Sahiron at Isnilon Hapilon para arestuhin nang matambangan sila ng 70 Abu Sayyaf! May mga ulat na tinulungan daw ng isang barrio ang mga kriminal para matambangan ang mga sundalo. Magiting na lumaban ang Marines. Ayon sa Marines, mga 20 Abu Sayyaf ang kanilang napatay.

Dito makikita ang tunay na pagkatao ng mga rebeldeng Muslim. Huwag na siguro tawaging mga Muslim dahil hindi naman daw ganun ang Islam di ba? Mga kriminal na lang. Hindi sapat ang makapatay sila ng kalaban, kailangan pang ipahiya at walanghiyain nang husto sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo o pagtadtad ng katawan. Walang honor ang mga kriminal na ito, hindi tulad ng mga sundalong napapalaban. Kailangan nilang mag mukhang mabangis at magpakitang nakakatakot na kalaban dahil sa totoo ay puro mga duwag naman!

Dahil sa enkwentrong ito at yung pagtrato ng mga kriminal sa mga namatay na sundalo, binansagan na ni President Aquino na numero unong kalaban ng bansa ang Abu Sayyaf at nangakong pagbabayaran ang kawalanghiyaang ito. Palaban si P-Noy nang ihayag niya ang banta, habang nakiramay rin sa mga kapamilya ng mga magigiting na namatay na sundalo. Matagal nang problema ang Abu Sayyaf. Bagama’t malaki na ang nabawas sa kanila, salot pa rin ang bansag sa grupo! Kung bakit hindi pa sila maubos ay matagal ko nang tinatanong. Hindi na sila dapat ibinibilang sa anumang usapang kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at MILF, dahil hindi naman sila interesado sa kapayaaan. Mga tulisan na gustong yumaman sa pamamagitan lang ng karahasan, pananakot, at kriminalidad. Kaya dapat sugpuin na para mawala na ang sakit ng ulo ng Mindanao! Ang dapat gawin ni P-Noy, ipadala muna ang parating na barkong Hamilton-class cutter sa Jolo, at paulanan ng bala ang pugad ng mga kriminal, para makaensayo na rin ang Philippine Navy sa kanilang bagong barko, tapos suyurin na ng Philippine Marines at Scout Rangers ang isla, para maubos na ang Abu Sayyaf! Panahon na para mawala sila sa mundo!

Show comments