PINAIMBESTIGAHAN na ni NCRPO chief Dir. Alan Purisima ang tong collection activities ni PO3 Rodolfo “Jojo” Cruz Jr. sa Camanava. Balak ni Purisima na i-relieve si Cruz sa District Special Operation Unit (DSOU) at i-assign sa RPHAU sa Camp Bagong Diwa para mabilis itong mag-report kapag kailangan na sa imbestigasyon.
Kaya naman umaksiyon si Purisima dahil hindi nasawata ng Northern Police District (NPD) sa pamumuno ni Chief Supt. Antonio Decano ang lumalalang krimen, tulad ng riding-in-tandem, sa Camanava dahil ang koleksiyon sa pasugalan ang unang inaatupag ng mga pulis. Pitsa muna bago trabaho, ‘yan ata ang battlecry ni De-cano na taliwas sa “tuwid na daan” ni P-Noy. Sino kaya ang padrino ni Decano at hindi siya matinag sa puwesto kahit walang ginagawa? Ano kaya ang say ng tiyahin ni P-Noy na si Mam Margarita “Tingting” Cojuangco?
Usap-usapan sa NCRPO na tumawag pala si Decano sa R-1 o personnel division sa Camp Bagong Diwa para i-relieve ang isang opisyal sa NPD na pinagsuspetsahan niyang espiya ko. Subalit hindi nagtagumpay si Decano dahil ang gusto ng hepe ng personnel ng NCRPO ay gumawa siya ng request sa “black and white” para may pagbasehan naman siya. Hindi kasi puwede na verbal ang kautusan at si Purisima lang ang may karapatang gumawa niyan. Kaya sa ngayon, magkasama pa si De-cano at ang opisyal na kinamumuhian niya. Ewan kung nag-uusap pa sila. He-he-he!
Sa tandem nina Decano at Cruz, suwelduhan na sa ngayon ang mga opisyal ng NPD. Ika nga nilagom nila ang kalakaran sa lingguhang intelihensiya. At sino pa ang makakapalag kay Decano e siya ang hepe ng NPD? Kaya’t nararapat lang talaga na i-relieve sa NPD si Cruz para hindi na siya pamarisan pa ng iba pang kolektor. Kapag na-relieve si Cruz, tiyak marami ang ma tutuwa, lalo na ang gambling lords at beerhouse operators na pinahihirapan niya.
Mula sa P200,000, ginawa ni Cruz na P300,000 ang lingguhang intelihensiya ni Decano.
Kaya ngayong lumalala ang krimen sa Camanava area, alam n’yo na kung sino ang dapat sisihin.
Abangan!