The Philippine STAR - mabuhay!

Ang Philippine STAR na dyaryong maganda –

siksik sa anuns’yo at mga balita;

Sa July 28 – dalwampu’t lima na

kaya kaming lahat ngayo’y nagsasaya!

Sinabi kong kami dahil sa kapatid

ang P Star NGAYON at P Star PM;

Dalwang tabloid ito na Pinoy ang dating

pagka’t nasusulat sa Tagalog natin!

Di tamang sabihin na kami ay anak

ng Philippine STAR na ngayon ay tanyag;

Pagka’t ang totoo sabay nang ianak –

P STAR at NGAYON na kapwa matatag!

Pilak na sa tagal ang Philippine STAR

sa bilang ng mga taong ito’y namayagpag;

Kaya sa editors mga manunulat

taos ang pagbati at pasasalamat!

Bukod na pagbati’y ipinaaabot –

kay Miguel Belmonte na nakalulugod

Siya ang CEO at Pangulong bantog –

outstanding Manilan ang bagong bantayog!

Pangalwang Pangulo na si Grace Glory Go

ay may pangalan ng nasa aming puso;

Isaac Belmonte – editor ng dyaryo

at section editors kami ay saludo!

Mga empleyado’y pawang masisipag

matapat na bantay sa isyung lalabas;

Kayo’y kabilang din sa pagbati’t hangad

na kayo’t ang STAR ay laging maunlad!

Sinapit ng STAR ang twenty five Taon –

ito’y pambihira’t mataas na score;

Sana’y mabuhay itong panghabang panahon

pagka’t ito’y dyaryong kailangan ngayon!

Mga anunsyante’t mga kababayan

huwag kayong magsawang STAR ay tulungan

Ang layunin nito’y magtapat sa bayan –

at ang buong bansa ay mapaglingkuran!

Show comments