Danyos sa nasirang mukha at katawan

SI Allan ay sikat na photo-journalist at manunulat. Asawa niya si Malou. Maganda si Malou. Siya ang tumatayong sekretarya at tagasalin ng mga akda ni Allan. Mayroon silang anak na babae, 4-anyos.

Mahilig bumiyahe sina Allan at Malou upang makita ang magagandang tanawin sa Pilipinas. Minsan, isinama ni Allan si Malou at ang kanilang anak sa isang biyahe sa kalapit na probinsiya. Si Allan ang nagmamaneho. Katabi naman niya si Malou at nasa likod ang anak nila.

Naaksidente sila ng isang tren ang sumalpok sa kanang bahagi ng kotse nila habang malapit sa riles. Dahil sa pagsalpok, tumilapon palabas ng kotse si Malou at ang anak nila. Maraming nabaling buto at sugat ang tinamo ni Ma-lou. Nagkaroon siya ng mahabang pilat sa noo na naging dahilan upang pumangit ang maganda niyang mukha.

Idinemanda nina Allan at Malou ang Manila Railroad Company dahil sa kapabayaan. Isa sa mga hiningi ni Allan ay danyos para sa “consortium” o ang serbisyo at pagsasama nila ng asawa. Humihingi siya ng patrimonial and moral damages dahil sa pagpangit at pagkasira ng mukha at katawan ng asawa. May karapatan ba sa danyos ang dalawa?

MAYROON. Kung may ibang tao na makikialam sa pagsasama ng mag-asawa at magiging dahilan ito para mawala ang karapatan ng lalaki sa serbisyo at pagtulong ng babae, puwedeng humingi ng danyos ang taong naapi. Kailangan lang patunayan ni Allan na talagang tinutulungan siya ni Malou bago nangyari ang aksidente at payag sana si Malou na patuloy na tulungan at damayan ang asawa kung hindi lang siya pinigil ng mga pinsalang tinamo sa nangyaring sakuna.

Ngunit ang danyos na makukuha ni Malou para sa nasirang katawan at mukha ay para sarili lamang niya at hindi sa kanilang mag-asawa (Lilius vs. Manila Railroad Co., 62 Phil. 56).

Show comments