MARAMING maibabahaging kaalaman si Atty. Lintang Bedol. Bilang Provincial Election Supervisor ng Maguindanao Province noong 2007, siya ang naupong Chairman ng Provincial Board of Canvassers (PBoC) na nagbigay ng kontrobersyal na 12-0 result sa Team Unity Senate Slate ni GMA. Noong 2004, siya rin ang Provincial Election Supervisor ng Sultan Kudarat Province at Chairman din ng PBoC na pinalabas na landslide ang panalo ni GMA kay FPJ. Hanggang ngayo’y hindi pa rin natatahimik ang ilan sa kawalan ng resolusyon ng mga kontrobersyang ito. Sa paglutang niya, sa wakas ay madadagdagan din ang impormasyon tungkol sa mga nangyaring dayaan.
May ayaw nang buksan ang “can of worms” na testimonya ni Bedol. Hindi naman sa takot sila sa katotohanan – takot lang sa hindi nila nalalaman. Mabuti kasi kung si GMA lang, si Bedol, si Garci at si Zaldy ang pag-usapan. Eh papaano kung lumabas na maging yung ibang mataas na opisyal ng Comelec ay sangkot din? At kung ang boto ng president ay na-hokus pokus sa isang certificate of canvass, andun din sa parehong certificate of canvass ang boto ng vice president at ng mga senador. Damay ang kredibilidad ng lahat. Ubos ang kumpiyansa ng lipunan sa pagkalehitimo ng ating mga inihalal at ng kanilang official acts. Talaga namang LINDOL ang dinulot ng paglutang ni LINtang beDOL.
Gayunpaman ay hindi maiiwasang bisitahin muli ang Bedol massacre (ng boto). Huwag lang Comelec – DOJ din at maski ang Kongreso ay dapat magsagawa ng kaukulang imbestigasyon. Kailangang ipakita na hindi inutil ang makinarya ng gobyerno sa larangan ng eleksyon; dapat parusahan ang gumawa ng krimen at katungkulan ng mga mambabatas ang humubog ng lehislasyon na sisiguro sa integridad ng ating pinakamahalagang boto.
Nagtatagumpay ang ganitong mga masamang balak dahil pinapayagan nating mangyari. Matagal nang umaali-ngasaw ang baho hindi lang mula sa Maguindanao at Sul-tan Kudarat, kung hindi pati rin sa Cebu, Bohol, Pampanga, Ilocos Sur, Cotabato, Lanao, Sulu, Basilan at Tawi-Tawi. Ang malayang halalan ay tanda ng malusog na demokrasya. Hindi maaring magpatay malisya. Kailangang makialam at makaalam dahil kung hindi ay sinusuko na natin ang kala-yaan at pinagpapalit sa panibagong pagkagapos – ang rehas ng sarili nating kawalan ng pagpapahalaga.