Dahil sa basura bansa’y binabaha
at ang mga baha nakapipinsala;
Ito’y nagpapalambot sa tigang na lupa
buhay at tahanan ay nangangawala!
Malakas na bagyo’t malakas na ulan
nagdudulot ito ng kapahamakan;
Tubig na naipon sa bundok at bayan
ay kayang ibagsak matibay mang bahay!
Pagguho ng lupa’y di bunga ng lindol
ang tanging dahilan basurang naipon;
Ang mga basura’y hadlang sa pagdaloy
ng tubig patungo’t sa dagat paroon!
Ngayo’y natuklasang dahilan ng baha
ay basurang plastic na tapon ng madla;
Itinapong plastic makitid mahaba –
hindi natutunaw at nagpapabaha!
Tao’y nasanay nang ang mga basura
inihahagis lang sa ilog at sapa;
Ang marami rito’y plastic na masama
kaya nagsisilbing sa tubig pambara!
Sa ngayo’y may lunsod na bawal ang plastic
mga pinamili’y sa papel ang silid;
Wala nang plastic bag laluna’t sa SM
mayroon silang green bag na tela ang gamit!
Sa SM at Shopwise at mga palengke
ang supot na papel pinagkakaige;
Mayor at konsehal nag-isip mabuti
kautusan ngayon sa Muntinlupa City!
Kung ang lahat lamang na lunsod at sitio
ay susunod ngayon kay Aldrin San Pedro;
Sa malaking baha ay ligtas na tayo
at bawa’t pag-ulan ating paraiso!
Kaya itong pitak ay nananawagan
sa lahat ng tao sa lunsod at bayan:
Ang supot na papel ang gamitin lamang
ang mga plastic bag ay ating iwasan!