UNTI-UNTI nang ipinatutupad ng Saudi Arabian government ang “Saudization”. Ito ‘yung pagprayoridad nila sa mga worker na Saudis kaysa sa mga dayuhan kabilang ang mga overseas Filipino workers (OFWS). Sa halip na mag-hire ng mga dayuhang manggagawa, ang kanilang mga bagong graduate na kababayan ang kanilang pinagkakalooban ng trabaho. Ang “Saudization” ay pinanukala pa noong 1997 at ngayon na lamang nila iniimplement. Umano’y maraming bagong graduate na Saudis ang walang trabaho sa kasalukuyan kaya unti-unti na nilang inaalis ang mga dayuhan. Tinatayang nasa 1-milyong Pinoy ang mga manggagawa sa Saudi Arabia. Nagsimulang magtrabaho sa Saudi ang mga Pinoy noong 1973.
Unang nawalan ng trabaho ang mga Pinay domestic helpers. Noong nakaraang linggo, marami na umano ang hindi pinayagang makaalis, Kinansela na umano ang mga visa ng DHs. Mayroon namang nagsabi na ang pagkansela sa working visa ng mga DHs ay dahil sa kahilingan ng Philippine government na gawing $400 ang sahod ng DHs. Hindi raw ito kakayanin ng employer. Karaniwang ang sahod ng DH ay 800 Saudi Riyals ($200-300).
Kung ipatutupad ng Saudi government ang “Saudization” walang magagawa ang mga OFW kundi tanggapin ito. Pero sana naman ay magkaroon ng pag-uusap ang Saudi at Pilipinas ukol sa maselang bagay na ito. Hindi basta-basta ang isyung ito sapagkat maraming maaapektuhang OFW. Wala silang ibang inaasahan kundi ang trabaho sa Saudi Arabia.
Isa sa mga nirereklamo ng mga nagbabakasyong OFWs ay ang pagtatatak ng Saudi Immigration ng “Exit only” sa kanilang passport. Ibig sabihin, hindi na makababalik ang OFW sa Saudi. Marami na tuloy ang natatakot magbakasyon at baka hindi na sila makabalik. Paano ang may mga kukulektahing severance pay o kabayaran sa mahaba nilang serbisyo kung hindi sila pababalikin? Mababalewala ang mga iyon. Limang OFWs na umano ang may ganitong kaso.
Nararapat nang kumilos ang Department of Labor and Employment (DOLE) ukol sa maselang isyu na ito. Alalayan ang mga OFW na unti-unting dinadapurak ng “Saudization”.