SINUBAYBAYAN ko ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga anomalyang naungkat sa PCSO noong nasa ilalim ng da-ting administrasyon. Nagsimula ang pagdinig sa tanong na kung paano at saan napupunta ang mga pondo na sakop ng budget at kita ng PCSO. Nagsimula ang ganitong pagtatanong sa pananakbo ng PCSO nang maungkat na may ilang mga obispo ang nakatanggap ng pera para pambili ng mga sasakyan, para magamit umano sa mga malalayong opisyal na gawain at kawang-gawa. Lumabas ang tanong, base sa mga nabigyan ng ambulansiya na congressman at gobernador, kung bakit tila may mga pinapaborang probinsiya o distrito, kaysa sa mga iba? At bakit tila lumalabas din na mga may kayang probinsiya at distrito rin ang mga nabibigyan, at hindi yung mga mahihirap na lugar? Ang gobernador ng Ilocos Sur ay nakatanggap ng 20 ambulansiya!
Napunta ang tanungan ukol sa intelligence fund ng PCSO. Sa mga narinig ko, hindi makapaniwala ang Senate Blue Ribbon Committee kung bakit napakalaki ng intelligence fund ng PCSO, kumpara sa intelligence fund ng AFP na mas malinaw na maraming kalaban sa buong bansa, at natataon pa sa isang election year! Napakaraming tanong pa sa dating mga opisyal ng PCSO, at ayon sa mga senador, ay tila hindi nila alam ang pinagsasabi nila lalo na pagdating sa paggamit ng intelligence fund. Lumalabas na tila napakalakas ni dating General Manager Uriarte kay dating President Arroyo at siya mismo ang nakakalapit sa kanya para pumirma ng paglabas ng mga pondo! Hindi ako sigurado kung nagtapos na ang kumite sa mga opisyal, pero parang pinauubaya na lang ni Senador Enrile sa mga kinauukulan, siguro sa DOJ, ang mga dating opisyal ng PCSO.
Napakarami pang mga anomalyang lumalabas mula sa PCSO. Parang nasisira na ang imahe ng ahensiya na ang layunin ay tulungan ang mga nangangailangang mamamayan. Lumalabas na gatasan ng dating administrasyon para mabilisang makuhanan ng pondo, para magamit sa paraan na sila na lang siguro ang nakaaalam. Ang aking hiling lang ay komo may bago nang mga opisyal sa ilalim ng administrasyon ni President Aquino, malilinis at mababago na ang mga patakaran at pamamalakad ng dating mga opisyal na pinatunayang bulok, at mababalik ang tiwala sa PCSO na takbuhan din ng marami para sa tulong, at para sa pangarap na rin. Parang lahat na lang ng mahawakan ng dating admi-nistrasyong Arroyo ay nasisira o napapasama.