KALAT na sa buong Pilipinas at maging sa buong mundo ang video na kung saan ang nanggagalaiti sa galit na si Davao City Mayor “Inday Sara” Duterte ay sinapak ang court sheriff na si Abe Andres sa gitna ng riot na nangyari sa demolition ng mga squatters sa Barangay Solaiman, Agdao District, Davao City noong Biyernes ng umaga.
At agad-agad nahati ang mga opinion---nalaman agad kung sino ang mga taga-Davao at hindi Dabawenyo. Talagang mariing kinondena ng mga hindi taga-Davao ang ginawa ni Inday Sara dahil ito nga raw ay nagpapakita ng karahasan at kawalang modo ng isang opisyal na walang breeding nga raw. Conduct unbecoming of an official naman ang sinabi ng iba sa inasal ni Inday Sara.
Ngunit bumuhos naman ang suporta at paghanga at maging pagmamahal kay Inday Sara ng mga Dabawenyo sa nangyaring suntukan. Para sa mga Dabawenyo naipakita ni Inday Sara na may political will siya at talagang she has “balls” na kailangan sa isang lider.
Alam ng mga Dabawenyo na talagang hindi lubos mawari ng mga taga-labas kung bakit kahit alam nilang mali ang manapak ng tao, eh, tanggap pa rin ng buong-buo si Inday Sara. Maging taga-Davao muna sila bago nila husgahan si Inday Sara at saka lang nila maintindihan kung bakit ganun na lang katindi ang relasyon ng mga Duterte sa kanilang mga constituent.
Kung tutuusin, si Inday Sara ay napakahinhin at napakamahinahon at malumanay magsalita. Hindi siya maarte at hindi siya pihikan at lalong hindi siya iyong tipong kailangan silbihan. Kaya nabigla ang lahat nang sinuntok niya ang sheriff dahil nga hindi siya pinagbigyan sa kanyang hiling na ipagpaliban lang ng kahit dalawang oras ang demolition at nang personal niyang mapangasiwaan ito upang maiwasan ang anumang gulo.
Naintindihan ng mga Dabawenyo na ilang gabi nang walang tulog si Inday Sara sa pag-asikaso sa mga pangangailangan ng may higit 20,000 na pamilyang nabahaan lalo na sa mga namatayan. Kaya hiniling ni Inday Sara na kung pupuwede ay bigyan lang siya ng dalawang oras na palugit dahil nga asikasuhin muna niya ang mga nabahaan.
Sinuway ng sheriff ang hiling ni Duterte kahit na may pinag-usapan nang arrangement kasama ang City Housing Office at City Planning Office at maging ang lawyer ng may-ari ng nasabing property para sa relocation ng mga squatters.
At naglipana ang mga Indian pana at mga bato nang naghudyat ang sheriff na simulan na ang demolition. Naging ganap na riot and sumunod na eksena at may nasugatang pulis at marami pang iba kaya napasugod si Inday Sara sa Barangay Solaiman nang ora-orada at talagang galit dahil hindi na man lang siya napagbigyan ng sheriff upang masiayos lang ang demolition.
Ang ayaw ni Inday Sara ay maging bayolente ang pangyayari at dadanak na naman ang dugo sa nasabing demolition. At dalawang oras lang ang hiningi niya. Mahirap ba yung intindihin? Eh, ngayon ay nagawa nang i-defer ni Regional Trial Court Branch 16 Judge Emmanuel Carpio ng 10 araw ang demolition, bakit hindi napagbigyan ang dalawang oras?
At ang hindi alam ng marami dahil nga hindi napakita sa TV footage nang pinagalitan ni Sara ang mga squatter ng nasabing lugar. Nakatikim din sila sa kanya. Kaya nga siya hindi umalis sa area hanggang alas singko ng hapon dahil alam niya na pag-aalis siya siguradong gulo na naman.
Kung hindi pa rin naintindihan ng marami kung bakit nangyari iyon kay Duterte, hindi na yon problema ng mga taga-rito sa Davao City dahil sa puso ng mga Dabawenyo nanduon nakaukit ang kanilang “Inday Sara”.