SA pagpapakasal, ang isang babae at isang lalaki ay obligadong magsama. Pero may limitasyon pa rin ang pagsasama ng mag-asawa tulad na lang sa kasong ito nina Tony at Norma.
Mahigit 22 taon ng kasal sina Tony at Norma. Tumira ang dalawa sa Maynila mula nang sila ay ikasal. Nagkaroon sila ng tatlong anak na edad 18, 10 at 9 na taong gulang.
Normal ang mga unang taon ng kanilang pagsasama, normal ang pagsasama ng mag-asawa tulad ng ibang ikinakasal. Kaya nga naging produkto ng kanilang pagmamahalan ang tatlong malulusog na anak. Pero sa ika-10 taon ng kanilang pagsasama, nagsimulang magloko si Tony. Pinabayaan niya ang kanyang pamilya at nagkaroon ng relasyon hindi lang sa isa kundi sa apat na iba’t ibang babae. Hindi sikreto kay Norma ang ginagawa niyang pambababae. Kaya lang, tulad ng ibang maybahay, hindi nawalan ng loob si Norma at nagpakita ng matinding pagtitiis sa sitwasyon niya. Pinili niyang ipagpatuloy ang kanilang pagsasama ni Tony upang mapanatili na buo ang kanilang pamilya. Umaasa si Norma na magbabago si Tony. Kaya lang, tulad ng ibang tao, may hangganan ang pagtitiis ni Norma. Matitiis na sana niyang mabuhay at pagpasensiyahan na lang ang pambababae ni Tony. Lumalabas naman na nagkamali ng pagkaintindi si Tony sa pananahimik at pagpapasensiya ni Norma. Akala niya ay napasunod na niya si Norma at tuluyang napasuko. Madalas ay binabastos niya si Norma at ginagamitan ng masasakit na salita. Minsan pa nga ay hinahamon pa niya si Norma na magreklamo sa korte. Sa bandang huli, matapos ang dalawampu’t dalawang taon ng pagsasama, pinakita na rin ni Tony ang natural niyang ugali. Patunay dito ang pakikitungo niya sa ibang babaeng kanyang kinakasama at sa ginagawa niyang pang-aabuso kay Norma. Marahas siya at walang konsiderasyon sa iba. Ang nangyari, napilitan tuloy si Norma na umalis ng sariling bahay dala ang dalawang nakababatang anak. Tinanggap niya ang hamon ni Tony at kinasuhan ang lalaki sa korte para hiwalay silang suportahan ng dalawang anak. May karapatan ba si Norma na humingi ng tulong sa korte kahit na siya pa ang kusang umalis ng kanilang tahanan?
MERON. Ang batas ay hindi ganoon kahigpit para utusan ang isang babae na patuloy na pakisamahan ang asawang lalaki na napakahilig mambabae. Parang hindi na niya magagawa ang pakisamahan pa ito. Nakatanim sa utak ng tao ang huwag paboran ang paghihiwalay ng mag-asawa maliban sa ganitong mga kaso. Makatuwiran ang batas. Hindi nito hihingin na magtiis ang isang tao ng lampas sa tanggap ng ating lipunan. Hindi naman kailangan na dalhin at itira pa ng lalaki ang kerida niya sa bahay para lang payagan ang kanyang asawa na humiwalay sa kanya ng tirahan. Sapat na ang kababuyan at pambababaeng ginawa niya. Maaring gamitin ni Norma ang desisyon sa kaso ng Villanueva vs. Villanueva (54 Phil. 92, Art. 55(1) Family Code).