Nag-improve na ang Manila's Finest

“PULIS lang, pulis lang ang nagpapakamatay!” Ito ang madamdaming sinabi ni Manila mayor Alfredo Lim noon nang gisahin siya sa Incident Investigation Review Committee (IIRC) sa pamumuno ni Justice secretary Leila de Lima hinggil sa pagkamatay ng walong Hong Kong nationals at hostage taker na si Chief Insp. Rolando Mendoza noong Agosto 23, 2010.

Labis na nasaktan si Lim ng siya at ang buong Manila Police District ay sisihin sa pangyayari gayung ginawa niya ang lahat ng paraan upang mapasuko si Mendoza. Nag-ugat ang pagkaburyong ni Mendoza nang magsisigaw ang kapatid niyang pulis na “Basura ‘yang papel na inabot sa iyo ’Tol… Ayaw nilang ibalik ang aking baril”. Sa puntong ito nakarinig ng putok sa bus kaya kumilos ang mga pulis ng MPD Special Weapons and Tactics (SWAT) na kulang sa kagamitan nang sumalakay.

Bagamat bigo ang MPD-SWAT na maparalisa si Mendoza na patuloy sa pagbaril sa kanyang mga bihag ay marami rin ang nailigtas ng mga pulis sa kamatayan. Ang pangyayaring iyon ang nagmulat sa pamunuan ng Manila’s Finest na sanayin ang kanilang mga pulis sa hostage situation. 

Dito pumasok ang abilidad ni MPD director Chief Supt. Roberto Rongavilla. Isinailalim niya ang mga SWAT at Operating Unit sa masusing pagsasanay. Halos lahat nang sangkot sa insidente ay isinailalim sa pagsasanay sa MPD headquarters at ang iba ay sa NCRPO training ground.

Malaki ang naging improvement ng mga pulis-MPD sa training. Noong nakaraang Linggo lamang, tinanghal silang overall champion sa competition sa NCRPO. Congratulations sa inyo! Hindi rito nagtapos ang pagtitiyaga ni Rongavilla. Bukod sa paghawak ng baril, hinubog naman niya ito sa mabuting gawain upang maging karapat-dapat na pulis. Dati kasi ang mga pulis-MPD ay laging laman ng diyaryo dahil sa pangtu-torture, pangungu­tong, pangsa-salvage at pambabangketa. Subalit ngayon, mangilan-ngilan na lamang dahil palaging nakatutok sa kanila ang mga mata nina Lim at Rongavilla.

Show comments