SA wakas mapapanood na ang trial ng mga suspect sa karumal-dumal na Maguindanao massacre. Labindalawa sa 15 hukom ng Korte Suprema ang pumabor sa kahilingan ng National Union of Journalist in the Philippines (NUJP) at iba pang media group na ipakita ng live ang pag-uusig. Ang ginawa ng SC ay kapuri-puri sapagkat makikita na ng sambayanan ang mga nangyayari sa court room. Hindi na magtatanong at hindi na magdududa ang mamamayan kung ano ang ginagawa ng hukom, ng mga abogado ng nasasakdal, ang mga nasasakdal at ganundin ang mga kaanak ng massacre victims. Makikita na ng taumbayan ang ekspresyon ng mga taong nasa courtroom habang ginagawa ang trial.
Nakatuon ang pansin ng sambayanan sa paglilitis sa mga akusado sa Maguindanao massacre. Ang karumal-dumal na pangyayaring ito ang itinuturing na pinaka-masahol sa lahat ng krimen na nangyari sa Pilipinas na may kaugnayan sa election. Nasa 57 katao ang sabay-sabay na pinatay sa pamamagitan ng pagbaril noong Nobyembre 23, 2009 sa bayan ng Ampatuan. Pagkatapos pagbabarilin, inilibing sila sa ipinasadyang hukay. Nasa crime scene pa ang ginamit na backhoe. Sa 57 pinatay, 30 rito ang miyembro ng media. Tinatayang 198 katao ang kasangkot sa masaker. Pangunahing suspek si dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. at kanyang dalawang anak na sina Zaldy at Andal Jr.
Karamihan sa minasaker ay mga kamag-anak at supporters ni Ismael Mangudadatu, kalaban sa pulitika ng mga Ampatuan. Magpa-file ng certificate of candidacy si Mangudadatu (sa pamamagitan ng kanyang asawa) nang harangin ang convoy. Doon na sila pinagbabaril. Walang itinirang buhay sa kanila.
Maraming nagsasabi na aabutin ng taon bago matapos ang trial. Sabagay ganito naman talaga kabagal umusad ang hustisya sa bansang ito. Pero mas mabuti nang mabagal kaysa naman hindi umuusad. Kahit pa abutin nang maraming taon, matatanggap na rin ito lalo pa’t ngayon ay maaari nang mapanood ang trial. May kaunti nang pag-asa na nakikita. Sana’y mabigyan ng hustisya ang mga walang awang pinatay. Matapos na sana ang kauhawan sa pagkakamit ng katarungan.