PANAY pitsa ang inaatupag ng mga pulis sa liderato ni PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo. Kung kinukunsinti ni Bacalzo ang pitsa-pitsa na lakad ng mga pulis sa Batangas at Cavite, eh ganundin ang nangyayari sa Rizal. Kaya isama ko na si Sr. Supt. Manuel Prieto, hepe ng Rizal police sa hanay nina Sr. Supt. Rosauro Acio ng Batangas police at Sr. Supt. John Bulalacao ng Cavite police.
Ang tatlo ay pawang graduate ng PMA. Ang pitsa-pitsa kaya ay kasama sa subject na tinuturo sa PMA? Kaya pala magaling sina Prieto, Acio at Bulalacao?
Itong si Acio ay inutil sa peryahan ni alyas Tessie samantalang si Bulalacao naman ay hindi kayang patigilin ang tong collection activities ni alyas Landong Bulag, na umano’y taga-DZRH. Maliwanag na hindi “Tuwid na Landas” ang namamayani sa PNP sa liderato ni Bacalzo kundi diretso sa bulsa nya. Ang lupit mo Gen. Bacalzo.
Kung sina Tessie at Landong Bulag ay namamayagpag sa Batangas at Cavite, ang bagman naman ni Prieto ay si SPO4 Rudy Abion. Ang inuutusan naman ni Abion bilang kolektor ni Prieto ay sina PO1 Stephen Bagsik, PO3 Luis Jomok at alyas Nomer.
Umaabot daw sa P500,000 ang nakokolekta ng tropa ni Abion hindi lang sa pasugalan kundi maging sa Muslim vendors ng DVD at bold shows.
Para sa kaalaman ni Prieto, namamayagpag ang video karera ni Junie Rey at PO2 Raymundo sa Cainta, Taytay, at sa Antipolo City. Sa ibang parte naman ng lalawigan ay hawak ni alyas Bong Sola pati na ang sugal na lotteng.
Ang terembi at sakla ay hawak ni Rosie sa Teresa, Angono, Cainta,Taytay, San Mateo at Antipolo. Maliban sa mga kinokolektahang sugal ay tumatara rin ang mga ito sa mga nightclubs ni Nestor Salvador na nagpapalabas ng bold shows, illegal logging at mga DVD’s ng Muslim vendors. Ang koleksiyon ni Abion ay hinuhulog umano sa bank account ni Prieto,
Dapat lang palitan ni Ynares si Prieto dahil wala naman siyang accomplishment sa Rizal lalo na sa aspeto ng criminality dahil inuuna niya ang pitsa sa pasugalan. Ang mga matutunog na papalit kay Prieto ay sina Sr. Supt. Romy Magsalos, alyas Boy Tawas, Col. Bonifacio, hepe ng Makati City, pride ng Maynila na si Col. Nelson Yabut at Col. Jomar Espino.
Mamili ka na sa apat Gov. Ynares bago malulong sa sugal ang mga botante mo. Abangan!