HINDI lamang paglabas-masok ni dating Bata-ngas governor Antonio Leviste ang nakakalkal ngayon sa Bureau of Corrections (BuCor) kundi pati na rin ang pagpasok ng drug syndicates sa bilangguan. Maraming kakutsabang corrupt na Bucor officials ang drug syndicate kaya balewala ang pagkalat ng bawal na droga sa loob. Noon pa napapabalita na laganap ang bentahan ng droga subalit itinatanggi naman ito ng BuCor officials. Si-yempre, aamin nga ba sila sa masamang gawaing ito.
Ayon sa report, sinusuhulan ng sindikato ang corrupt official sa BuCor para malipat sa Palawan ang iba nilang kalaban sa “negosyo” sa National Bilibid Prisons. Nagagawa nilang maitransfer sa Iwahig Penal Colony sa Palawan ang kalaban nilang drug syndicate upang masolo ang operasyon sa NBP. Ayon sa report, nasa P2-milyon hanggang P5-milyon ang suhol ng sindikato sa mga corrupt BuCor officials.
Gimbal si Justice Secretary Leila de Lima sa natuklasan. Agad niyang ipinag-utos ang imbestigasyon. Agad din naman niyang iniisyu ng Department Circular No. 25 na nag-uutos na kailangan muna niyang aprubahan ang paglilipat ng preso sa ibang bilangguan mula sa Bilibid. Kailangan muna ang masusing pagsisiyasat bago ang pagli-lipat. Kadalasan umanong nililipat ang bilanggo sa Iwahig Penal Colony. Ayon sa report, marami nang bilanggo ang nailipat sa nasabing colony.
Masyado nang bulok ang BuCor at namamaho na. Kung hindi pa nabuking ang paglabas-masok ni Leviste ay hindi mahahalukay ang baho ng BuCor na walang ibang nagpabulok kundi ang mismong mga opisyal. Bago nabulgar ang suhulan sa paglilipat ng bilanggo, nabulgar muna na pati ang food allowance ng mga bilanggo ay pinagkakakitaan ng mga corrupt na BuCor officials. Sagad na sa buto ang kanilang katakawan.
Hindi pa nakakapili ng kapalit ni dating BuCor director Ernesto Diokno na nagbitiw kaugnay sa kaso ni Leviste. Sana, hindi corrupt ang mapili at maiahon sa kumunoy ang BuCor.