MATAGAL nang pugad ng pirated film and music discs sa Metro Manila ang mga lugar tulad ng Avenida at Recto sa Maynila, Metrowalk sa Pasig, Makati Cinema Square, Star Mall sa Las Piñas, atbp. Basta mall o palengke – o saan mang puntahan ng tao – may mahahanap kang nagbebenta ng pekeng CD at DVD. Pero kung mayroong maituturing na ground zero ng illegal na bentahan sa Pilipinas, ang pinakatukoy sa lahat ay ang Quiapo.
Doon sa mga nagtataka pa, oo at lantaran ang bentahan. Nakaparada lahat ng kontrabando – walang nahihiyang magbenta o mamili. Sa isang kultura na mataas ang kaalaman sa kung ano ang bawal sa batas, pagdating sa piracy ay naligaw ang paninindigan ng Pinoy. Subalit ipagpaliban natin sa ibang column ang analysis sa implikasyon na legal, economic, moral and social ng salot na ito. Sa ngayon, ang nagpapaapaw sa atin ng saya ay ang balitang nagsalita na ang Ama ng Maynila. Mula July 1, maglalaho na sa bokabularyo ng Pinoy ang Quiapo-DVD dahil nagpasya na si Mayor Alfredo S. Lim at sinabing TAMA NA.
Ilang administrasyon na ang nakalipas at hindi maaksyunan ang hayagang paglabag sa batas na nagaganap sa Quiapo. Minsan ko nang naitanong sa isang mataas na opisyal kung bakit hindi ito magawan ng paraan. Hindi ba’t sa isa pang dating hot spot ng pirata, ang Greenhills Shopping Center sa San Juan, ay matagumpay na napatigil ang bentahan ng DVD/CD? Simple lang ang sagot sa akin ng opisyal na abogado pa man din: Bata, mga botante ng Maynila ang mga malaking grupong nagpapatakbo niyan. Never ito mapapatigil dahil malaking boto ang mawawala!
Wala nang mas bulag pa sa nagbubulag-bulagan. Buti na lang at laging dilat ang mata ng ating magiting na mayor. Boto or no boto, gagawin niya ang tama: “the law applies to all otherwise none at all”. Kung sa isang bahagi nga naman ay hahayaang manaig ang kawalan ng batas, hindi magtatagal at buong lipunan din ang kukulapso dahil hihina ang respeto sa batas ng kabuuhan.
Matatanggal na rin ang Maynila sa talaan ng mga lungsod na helpless laban sa pirata. Mabuhay ka, Mayor!
Mayor Alfredo S. Lim Grade: 99.99