Nakaangat sa karalitaan, natupad ang pangarap

“PANGARAP ko talaga maging guro, upang magiyahan ang maralitang kabataan na magsikap sa kabila ng hirap ang buhay.” Ganyan haharapin ni Chola Eleazar, 21, ang trabaho sa Hunyo bilang bagong instructor sa St. Scholastica’s College sa Manila, matapos mag-graduate na cum laude ng BS Education sa Philippine Normal University. “Hinding-hindi ko ikahihiya ang aking nakalipas.”

Mahirap pa sa daga ang pamilya ni Chola, na ikalawa sa apat na magkapatid. Piyon sa konstruksiyon ang ama, at obrero sa gulayan ang ina. Nang high school, nagbubunot sila ng ate ng damo sa gulayan para makadagdag sa kita ng angkan. Naka-graduate si Chola na salutatorian Tumama ang suwerte nang, sa pamamasukang katulong ng isang pamilya sa Maynila, pinag-aral nito si Chola sa kolehiyo. Tinustusan ang tuition, pagkain at gamit pambahay niya, at pinasahod nang P1,500 kada buwan. Mahirap pagsabayin ang pagpasok sa kolehiyo at pamamasukan bilang domestic, pero kinaya ni Chola ang pagod at puyat.

Imbis na sukuan ang hirap, lalong nagsikap si Chola na pataasin ang mga grado. Mabuti nang magsakripisyo nang limang taon kaysa habambuhay na manatiling maralita ang pamilya niya na nais tulungan.

Dahil sa sipag at taas ng grado, inilapit si Chola ng PNU Office of Student Affairs sa Educational Assistance Program ng Tzu Chi Foundation. Samahang kawang-gawa ang Tzu Chi na itinatag sa Taiwan 45 taon na ang lumipas. Mula 1995 nagpapaaral ito sa Pilipinas ng mga matatalinong maralita sa elementary at high school, at mula 2005 ay pati college. Pinagkalooban nito si Chola ng full scholarship para pagtuunan nang buong pansin ang pag-aaral. Noong Abril, nailiko niya ang tadhana nang makatapos ng marangal na propesyon ng pagtuturo.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments