Ang mapagpatawad na asawa

ANG pagtataksil sa asawa ay isang basehan para magkaroon ng legal na paghihiwalay o “legal separation”. Kaya lang, hindi maglalabas ng desisyon ang korte sa kaso kung pinatawad ng inosenteng asawa ang pagtataksil ng kabiyak.

Istorya ito ni Gabby, isang US Navy. Habang nagbabakasyon sa Pilipinas ay nakilala niya si Minda at nagkasundo na magpakasal. Sa bayan nito sa Pangasinan sila ikinasal. Pagkatapos ay pumayag muna si Minda na tumira sa mga hipag niya sa Manila. Nang bumalik sa trabaho sa Amerika si Gabby ay nagbago ang isip ni Minda at umalis sa mga hipag upang bumalik sa sariling bayan. Sinulatan niya si Gabby at sinabing hindi niya kaya ang buhay na laging wala ang asawa.

Matapos noon, kung anu-anong balita ang nakarating kay Gabby tungkol sa mga aktibidades ng asawa. Galing ang balita sa mga kapatid niyang babae at sa ibang tao. Nagsuspetsa na tuloy siya sa mga ginagawa ng asawa.

Matapos ang isang taon na malayo sa asawa, umuwi si Gabby at pumunta sa bayan ni Minda. Nagkita sila, nagsama bilang mag-asawa ng dalawang gabi at isang araw sa bahay ng pinsan ni Gabby. Sa ikalawang gabi ay pinilit ni Gabby na alamin sa asawa kung talagang totoo ang balita na nagtataksil ang babae. Imbes sumagot ay nag-alsa balutan si Minda at lumayas. Tinanggap ni Gabby­ ito bilang pag-amin sa parte ni Minda. Sa kabila ng paniniwalang ito, pilit pa rin na hinanap ni Gabby si Minda pero hindi na niya nakita ang babae. Nagsampa na lang siya ng kaso para tuluyang hiwalayan ang asawa.

Ang hinihinging legal se­pa­ration ni Gabby ay hindi ibi­nigay ng korte. Ang ginawa raw ni Gabby na pagtabi kay Minda sa loob ng dalawang gabi sa kabila ng paniniwala niyang nagtataksil ang asawa ay katumbas ng pagpapatawad sa ginawa ng babae. Samakatuwid, ang pagpapa­tuloy ng pagsasama nila bilang mag-asawa ay malinaw na basehan ng tinatawag sa batas na “condonation” o pagpapatawad kaya walang dahilan para paghiwalayin sila ng korte (Bugayong vs. Gomez, L-10063, Dec. 28, 1956).  

Show comments