NU’NG Sabado’t Linggo binasa sa Catholic archdiocese ng Lingayen-Dagupan ang pastoral letter ni Archbishop Socrates Villegas. Nakiusap siya sa mga deboto na ma-ging mapagbigay at magalang sa pagdedebate tungkol sa Reproductive Health Bill. Nakakalungkot nga naman ang mainitang pagtatalo at paghahati ng mga magkakapatid sa pananalig sa panukalang batas na ito. Naeeskandalo na marahil, ani Villegas, ang mga hindi kabahagi ng 80% mayoryang Katoliko. Nanawagan siya sa magkabilang panig na pairalin ang konsensiyang ipinagkaloob ng Diyos.
Kaisa si Villegas sa Catholic Bishops Conference of the Philippines na siyento-porsiyentong kontra-RH. Alam natin kung saang panig siya. Tiyak, hindi pro-RH ang pastoral letter. Pero dapat sunurin ng mga pro-RH ang payo ng kahinahunan, respeto at pagbibigay.
Siyempre dapat ding sumunod ang mga anti-RH. Marami sa kanila ang nagpakita ng extremism sa mga debate. May mga nag-anunsiyo na ibo-boycott nila ang pagbabayad ng buwis kung ipasa ng Kongreso ang RH Bill. May obispo (‘yung pinalitan ni Villegas sa archdiocese niya) na nagsabing walang karapatang mag-asawa si Presidente Noynoy Aquino na sumusuporta sa RH Bill. May mga pari na nagkakait ng Komunyon sa mga pro-RH. May mga anti-RH na nanunuya sa kabilang panig na “sana ipinalaglag kayo ng nanay niyo.” May dating senatorial candidate nga na, sa gilid ng plenary debate sa Kamara nu’ng Martes, ay nagbuhat ng kamay laban sa isang pro-RH leader -- at kinupkop siya ng isang pari.
Nu’ng unang panahon naglunsad ang mga Papa at Kristiyanong hari ng madudugong Crusades laban sa mga Muslim. Inapi naman ni King Henry VIII ang mga Katoliko nang itiwalag niya sa Roma ang Church of England. Huwag sana silang tularan ng mga pro-RH.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com