LUMIHIS ang bagyong Chedeng. Salamat naman. Pero dahil sa unang babala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tatama si Chedeng sa bansa, sinamantala ito ng mga ganid na mga negosyate. Nagtaas sila ng mga paninda partikular na rito ang pagkain na mas kailangan ng sambayanan. Maraming biyahero ang natulog sa mga pantalan matapos pagbawalan ng Philippine Coast Guard ang paglalayag ng RORO sa Kabisayaan at Southern Luzon. Ang mga local official sa Bicol Region at Isabela Province ay gumastos ng milyon sa ginawang evacution site ng kanilang mga mamamayan. Pero hindi nga tumama si Chedeng ay dahil marahil ito sa dasal ng mamamayan.
Sa aking pananaw hindi dapat na sisihin ang PAGASA sa sinasabing palpak na anunsiyo kay Chedeng. Bakit sisisihin si Undersecretary Graciano Yumol e ginawa lamang niya ang trabaho. Kahit sabihin na palpak ang anunsiyo kay Chedeng dapat siyang pasalamatan dahil naimulat niya ang pamahalaan at mamamayan para kumilos at maghanda sa pagdating ng bagyo.
Ngayon ay ginagawa na ng PAGASA ang lahat para maibigay ang babala. Hindi katulad noon na umano’y laging kulang sa pondo kaya walang bagong kagamitan iyon pala, kinukurakot. Nangyari tuloy marami ang napapahamak at namamatay. Katulad na lamang ng nangyari noong Nob. 5, 1984 na kung saan mahigit sa 4,000 tao ang namatay sa bagyong Undang na nanalasa sa Capiz. Kabilang ako sa naapektuhan noon. Halos mabura sa mapa ang ilang bahagi ng Capiz matapos hagupitin ni Undang.
Ang bagyong Reming noong 2008 ay pumatay din ng libu-libong mamamayan sa Bicol Region. Nagkulang din doon ang PAGASA sa pagbibigay ng babala sa mamamayan kaya sinapit ng mga kababayan doon ang kasawian.
Iyan ang resulta sa kakulangan ng PAGASA noon, kulang sila sa mga gadget kung kaya di nila matantiya ang lakas ng bagyong paparating. Ngayon nga ay ginagawa ng lahat ng PAGASA kaya huwag naman silang sisihin.
Payo ko mga suki, huwag balewalain ang mga babala ng PAGASA. Kung paiiralin ang katigasan ng ating ulo tiyak na sa kapahamakan din ang ating patutunguhan. Samahan din natin ng dasal.