Ang suwerte ng biyudo

AYON sa Article 106 ng New Civil Code, isa sa mga epekto ng legal na paghihiwalay ay ang disolusyon at partisyon ng mga ari-arian na naipundar ng mag-asawa habang sila ay nagsasama pa. Ang asawang nagkasala ay walang kara-patan na makihati sa mga kinita ng pagsasama nila at hindi rin siya maaaring magmana mula sa dating asawa.

Sina Ditas at Ronnie ay ikinasal noong 1954. Unang kasal nila ay sibil at isang linggo pagkatapos ay ang kasal naman sa simbahan. Nagsama sila ng siyam na taon pero hindi nagkaanak. Pagkatapos ay inabandona ni Ronnie si Ditas.

Matapos ang anim na taon, nadiskubre ni Ditas na may kinakasamang babaeng Intsik si Ronnie. Nang malaman ito ay agad siyang nagsampa ng petisyon upang legal na hiwalayan ang asawa. Isa sa hinihingi niya sa korte ay ang alisan ng karapatan si Ronnie sa mga kinita ng ari-arian nila. Sa sagot naman ni Ronnie, idineklara niya na kasal siya sa kinakasama alinsunod sa batas at nakagawian ng mga Intsik. Nauna pa nga ito sa kasal niya kay Ditas kaya hiningi niya sa korte na ipawalambisa ang kasal nila ni Ditas.

Bago matapos ang paglilitis ay naaksidente si Ditas at namatay. Hiningi ni Ronnie sa kanyang mosyon sa korte na ibasura na ang kaso total ay namatay na si Ditas. Pumalit sa kaso ni Ditas ang ama at kinontra si Ronnie. Ayon sa kanya, dahil sangkot sa asunto ang mga ari-arian ng mag-asawa ay dapat muna itong desisyunan ng korte. Tama ba siya?

TAMA. Ang legal separation ay ang simpleng paghihiwalay lang sa kama at tirahan ng mag-asawa. Dahil nga personal ito sa kanila, ang kamatayan ng isa ay agad na magtatapos sa kaso.

Ang pagbabago sa aspeto ng paghahati sa ari-arian ng mag-asawa tulad na lang ng kawalan ng karapatan ng nagkasalang asawa na makihati sa kita nila o kaya ay magmana sa kanyang kabiyak ay likas na esklusibong karapatan ng isang asawa at hindi puwedeng ilipat sa ibang tao. Pero ang karapatan na ito ay masasabing epekto na lang ng iginawad na desisyon sa paghihiwalay. Magmumula ang karapatan sa mismong desisyon ng korte at hanggang wala ito ay inaasahan lang ang nasabing karapatan.

Kapag nauna ang kamatayan sa pagtatapos ng kaso at walang desisyon na nailabas, mas radikal at mabilis ang epek­to nito dahil talagang tuluyan na ang magiging paghihiwalay. Kaya lang ang inaasahan na karapatan ay hindi na mangyayari. Ang kagandahan lang nito, ang kontra demanda naman ni Ronnie na ipadeklarang walang bisa o “void ab initio” ang kanilang kasal ay mawawalan na rin ng bisa dahil awtomatiko na nalusaw ang kanilang pagbubuklod bilang mag-asawa nang mamatay ang isa. (Lapuz vs. Eufemio, 43 SCRA 177).  

Show comments