HINDI na bago sa BITAG ang kaso ng mga ninanakaw na sanggol o child snatching sa kasalukuyan. Taun-taon, tumataas ang bilang nito.
Minsan, bumabagsak na lang ang mga kasong ito sa estatistika ng mga tinatawag na “missing” o nawawalang bata.
Ang target ng mga sindikatong ito, sanggol hanggang dalawang taong gulang na bata dahil hindi pa ito nakakakilala.
Kadalasang nangyayari ang child snatching sa mga matataong lugar katulad ng palengke o mga tiangge.
Bukod dito, maging sa mga establisyamentong binabantayan na ng mga guwardiya, katulad ng mga opisina at ospital, hindi rin ligtas sa mga ganitong kaso.
Sa mga pampublikong ospital kung saan hindi ganoon kahigpit ang seguridad, malayang nakakapasok ang mga sindikato ng child snatching.
Hindi mo aakalain na may masamang balakin ang mga kolokoy na sindikato dahil hahaluan nila ng pagpapanggap ang kanilang modus.
Magdadamit nurse o doctor lamang, makakapagnakaw na ng sanggol. Lolokohin nila ang pobreng magulang na sila ay empleyado ng ospital at kunwari ay titimbangin o susuriin ang sanggol.
Dahil sa tiwala at pag-aakala ng magulang na totoong doctor o nurse ang kanyang kausap, dito sila mahuhulog sa patibong ng mga malikhaing sindikatong ito.
Kataka-taka namang mailalabas ang sanggol sa ospital nang hindi namamalayan ng mga guwardiya, dito na nagsisimula ang ma-laking problema.
Wala ring nakakaalam kung saan maaaring dinala ng mga putok sa buhong sindikatong ito ang sanggol.
Maiiwang nagtataka ang mga kaawa-awang magulang kung nasaan na ang kanilang bagong silang na anak.
Ang masakit pa rito, wala ring magagawa ang pamunuan ng ospital sa mga pangyayaring ito, hindi malinaw kung sino ang nagkulang at kung sino ang may pananagutan.
Kaya’t paalala ng BITAG sa mga magulang, maging pa-laduda. Huwag basta-bastang maniniwala sa mga nag papakilalang empleyado lalo na sa mga pampublikong ospital, maaaring isa sa mga ito ang bibiktima sa inyo.
Panawagan ng BITAG sa pamunuan ng mga ospital sa Pilipinas, pribado man o pampubliko, higpitan ang seguridad, suriing mabuti ang mga taong labas-masok sa establisyamento para hindi malusutan ng mapagpanggap at malikhaing sindikato ng child snatching.