KESYO makalumang sistema daw ang ginagamit ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kayat talamak ang aksidente sa Commonwealth Avenue, Quezon City, kesyo kapus daw sa pondo ang MMDA, kesyo…ahhh ewan!!!
Malagim ang aksidenteng ikinamatay ng aking kaibigan at kabaro sa propesyon na si Chit Estella Simbulan sa lansangang iyan, pero sa kabila niyan, sunud-sunod pa rin ang mga sakunang nangyayari diyan. Kaya nga tinawag itong “killer highway”! At dahil ang nasawi sa aksidente ay “high profile”, napagtutuunang pansin na ito ng iba’t ibang sangay ng gobyerno pati na ang Kongreso na nagsisiyasat sa pangyayari.
Matagal nang problema iyan. Mayroon na ngang isang judge kasama ang misis nito na nasawi rin sa isang aksidente sa lansangang iyan. Dapat siguro’y tawagin na lang natin iyan na Common-death Avenue kung hindi maisasaayos ang trapiko sa lugar na iyan.
Abala ang House Committee on Metro Manila Deve-lopment sa pangunguna ni Navotas Rep. Toby Tiangco sa imbestigasyon. Ano ang dapat gawin para mabawasan ang lumalaking bilang ng sakuna diyan sa Commonwealth Avenue? Iyan ang sinisikap tukuyin sa imbestigasyon.
Kung anu-anong rason ang sinabi nina MMDA de-puty chairman Alex Cabanilla sa pagtatanong ng komite ni Tiangco na tila hindi ikinasiya ng mga Kongresistang tagabusisi. Kesyo makaluma ang sistema at walang sapat na pondo ang ahensya.
Hindi masisisi ang mga Mambabatas na tawaging “inutil” ang MMDA.Oo nga naman, ang talagang dahilan kung bakit talamak ang sakuna ay dahil maraming traffic violators lalo na sa panig ng mga drivers ng public utility vehicles. Yung ibang dri-vers, pati mga traffic enforcers ay sinasagasaan at hindi na iginagalang.
Estriktong implementasyon ng batas ang kailangan at hindi dapat isisi sa kawalan ng modernong kasangkapan at kakapusan ng budget ang problema. Giit naman ng mga mambabatas hindi lamang ito ang kanilang sisiyasatin kundi pati ang pagkukulang ng mga awtoridad sa mga major thoroughfares sa Metro Manila.
Huwag naman sanang mangyari na kapag lumamig muli ang usapin sa pagkamatay ni Chit ay lalamig na rin ang lahat ng inisyatibo para magkaroon ng maayos na sistema ng trapiko diyan hanggang sa magkaroon muli ng malagim na aksidente. Sino ang kaila-ngang mamatay? Gobernador, Mayor, Mambabatas, Presidente? Huwag naman sana.