Paano pipigilin ang katiwalian?

NAG-SURVEY sa America ng mga reaksiyon sa sitwasyong ito: “Nasa basement parking ka, alas-10 ng gabi, walang tao kundi ikaw, walang security camera. Nakita mo sa sahig ang balunbon ng sampung tig-$100. Ano ang gagawin mo?”

Sa 100 respondents, 30 ang nagsabing pupulutin nila ang pera para isoli sa may-ari o iintrega sa Lost and Found. Dalawampu ang nagsabing ibubulsa na nila ang $1,000. Limampu ang nagsabing hindi alam ang gagawin. Biruin mo, sa America na tinuturing na matuwid na lipunan, 30 lang ang magsosoli ng pera, at 50 ang hindi alam ang dapat gawin!

Isang-daan na ibang respondents ang pina-react sa medyo naibang sitwasyon: “Nasa basement parking ka, tanghaling tapat, labas-masok ang mga tao, marami kang napapansin na security camera. Nakita mo sa sahig ang balunbon ng sampung tig-$100. Ano ang gagawin mo?”

Malaking kaibahan na ang sagot. Mahigit dumoble, 75 na, ang nagsabing isosoli ang pera o iintrega sa Lost and Found. Kumonti, lima na lang, ang nagsabing ibubulsa ito. Dalawampu na lang ang hindi alam ang gagawin.

Ano ang ibig sabihin ng survey? Gagawin ng mayorya ang tama kapag alam nilang mabibisto sila, at maaring maparusahan, kung gawin ang mali.

Ano ang kinalaman nito sa laban sa katiwalian? Ani Atty. Gerard Mosquera, Presidential Commissioner on Good Government, dapat maglatag ng maraming deterrents para pigilan ang mga taga-gobyerno na gumawa ng katiwalian. Mga uri ng deterrents: Katiyakang mabibisto at mahuhuli, mapapahiya sa pamilya at publiko, mahahabla, matatanggal sa trabaho, mamumultahan, makukulong.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: mailto:jariusbondoc@workmail.com

Show comments