Bakit hindi?

GUSTO sanang makakuha ng bahagi ng Road User’s Tax ang MMDA, para magamit sa kanilang pag-ayos ng daloy ng trapik sa Metro Manila. Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, gusto niyang pagandahin ang traffic signal system ng lansangan. Gusto rin sanang makabili ng mga hi-tech na motorsiklo na may mga speed checking radar para mahuli kaagad ang mga lumalabag sa batas-trapiko at matiketan kaagad. Pero napakamahal lang ng mga ito. Kung tutuusin, maraming dapat gawin sa lansangan para mapaluwag ang trapik at magabayan ang mga motorista.

Pero bakit tila nakikiusap pa si Tolentino na mabigyan siya ng bahagi ng Road User’s Tax, kung para sa trapik naman ang kanyang mga planong programa at pagpapaganda? Saan nga ba napupunta ang bilyong pisong buwis na kinokolekta mula sa lahat ng mga motorista? Ang sabi ay para raw sa “maintenance and safety of roads and highways”. Bukod sa nakikita ninyong mga concrete reblocking na ginagawa sa ilang mga kalsada ngayon, may nakikita ba kayong mga ibang pagpapaganda ng mga kalye?

Isa na rito ang sapat na road signs sa kalye. Dahil na rin sa dami ng mga pinapaskel na kung anu-ano sa mga poste, mahirap mapansin ang mga karatula na may kaugnayan sa trapik at kaligtasan sa kalye! At dapat naman ilagay sa mga lugar na kitang-kita ng motorista. Ang mga iba kasi tila sinasadyang hindi mapansin, para may dahilang hulihin ng mga MMDA ang mga lumabag. Katulad ng “No right turn on red signal” na karatula. Mga iba, nasa likod ng puno, poste o ibang karatula. Kaya pagliko mo, huli ka!

Malaki ang pondong nakukuha mula sa Road User’s Tax. Tama lang na makita ng taumbayan kung saan pa napupunta ito, at hindi sa concrete reblocking lamang! Marami pa ngang mga kalye na nangangailangan na ng reblocking noon pa! Mga panghabol na sasakyan ng MMDA, mga kagamitang hi-tech para mahuli ang mga lumalabag. Dapat computerized na rin ang mga lahat, pati mga sasakyan nila katulad sa Amerika. Para walang makalusot, katulad ng tumakas na drayber ng bus na bumangga sa taxi na sinasakyan ng isang UP propesor at batikang mamamahayag na ikinamatay nito.

Show comments