KASO ito ni Pabling, isang salesman na bumibiyahe sa buong Pilipinas. Noong Hunyo 15, 1967, nagpakasal siya kay Ana sa Simbahang Katoliko ng Surigao. Sa kanyang paglilibot sa buong Pilipinas, nakilala naman niya si Jua-nita sa Silang, Cavite. Matapos magligawan, nakumbinse niya si Juanita na pakasalan siya. Kaya noong Agosto 8, 1971, kumuha sila ng aplikasyon para sa lisensiya ng kasal sa lokal na Civil Registrar. Isang araw matapos ang sampung araw na takdang palugit ay saka pa lang inilabas ng nakatalagang opisyales ang lisensiya ng kasal pati ang resibo sa binayarang P2,000.00. Samantala, nakalagay sa pangalawang kontrata ng kasal ni Pabling kay Juanita na ikinasal sila noong Agosto 18, 1971 sa Silang, Cavite sa harap ng mayor doon.
Kinasuhan si Pabling ng bigamy dahil sa ginawa niyang pagpapakasal kay Juanita. Napatunayan ng korte na nagkasala siya at binigyan ng kaukulang hatol. Mula sa desisyon ay umapela si Pabling. Katwiran niya ay hindi siya nagkasala ng bigamy dahil walang bisa ang pangalawang kasal magmula pa noong umpisa o void ab initio dahil nauna ang kasal ng isang araw sa mismong lisensiya nito. Ayon sa prosekusyon, kahit pa totoo ito ay nagkaroon naman tinatawag na “substantial compliance” o sapat na pagsunod sa batas dahil may inilabas na lisensiya kahit pa nahuli ito sa kasal. Dapat daw ituring na walang bisa ang kasal kung wala talagang naipakitang lisensiya.
Masuwerte si Pabling. Pinawalang-sala siya ng mataas na hukuman dahil sa nangyaring teknikalidad sa pangalawang kasal na nauna ang mismong kasal ng isang araw kaysa sa lisensiya nito kaya itinuring na wala talagang nangyaring kasalan (People vs. de Lara, 12583-R, Feb. 14, 1955). Upang mahatulan daw sa bigamy, kailangan na mayroon ito ng lahat ng kondisyones na hinihingi ng batas.
Ito ang isang magandang kaso kung saan nakalusot ang isang lalaki sa tiyak na kaparusahan gamit ang mismong batas. Kahit sabihin pa na base sa sirkumstansiya at praktikalidad ay dapat na ituring na may bisa ang pa-ngalawang kasal, at magandang basehan ito upang maparusahan siya, wala pa rin magiging basehan ang korte upang tuluyan siyang ipakulong. Ang kasabihan nga: “Dura Lex, Sed Lex”, ibig sabihin ay malupit man ang batas, ito ay dapat sundin.