NAGWAKAS na ang masamang buhay ni Osama bin Laden at sana, katapusan na rin ng terorismo sa mundo. Wala na nga sanang sumunod pa sa kanyang mga yapak upang makapamuhay nang tahimik ang mamamayan sa buong mundo. Mula nang simulan ni Bin Laden ang pakikibaka noong 1998, nagulo na ang mundo. Mas lalo pang naging magulo nang halos gibain ng terorismo ang America noong Setyembre 11, 2001. Siya ang arkitekto sa pagwasak ng Twin Tower sa New York nang dalawang passenger airplane ang sabay na hinayjack at ibinangga sa dalawang gusali. Tatlong libo katao ang namatay sa pagwasak na iyon. Hindi halos makapaniwala ang mamamayan ng America sa bagsik ng terorismo ni Bin Laden. Sa isang interbyu, hinikayat ni Bin Laden ang mga kapwa panatiko na labanan ang America.
Sampung taon ang nakalipas mula nang maganap ang 9-11 attack, napatay din si Bin Laden. Natunton ng US intelligenece ang pinagkukutaan niya sa Pakistan at napatay siya. Dalawang helicopter na may lulang 25 Navy Seals ang sumalakay sa compound. Lumaban sina Bin Laden pero determinado ang mga Amerikano na wakasan na ang terorismong hangarin ni Bin Laden. Sabi ni US President Barack Obama, naihatid ng America ang katarungan sa mga nabiktima ni Bin Laden.
Malawak ang galamay ni Bin Laden. Pinaniniwalaang ang Al-Qaida Movement na kanyang itinatag ay nagbibigay ng tulong sa Abu Sayyaf. Ang Sayyaf ay nagsasagawa ng mga pambobomba hindi lamang sa Mindanao kundi pati na rin sa Metro Manila. Ang Sayyaf ang nagtanim ng bomba sa SuperFerry 14 na ikinamatay nang maraming pasahero. Ang Sayyaf din ang nagtanim ng bomba sa isang bus sa Makati noong Valentines Day. Sila rin ang bumomba sa isang restaurant sa Davao City na maraming namatay. Marami pang kasamaang ginawa ang Sayyaf na walang ipinagkaiba sa gawain ni Bin Laden.
Sa pagkamatay ni Bin Laden, sana nga ay patay na rin ang terorismo. Wala na sanang maghahasik ng lagim na ang puntirya ay mga inosenteng tao. Wala na sanang Bin Laden na aahon sa hukay.