Postponement ng ARMM polls mababasura

GANYAN malamang ang mangyayari sa House Bill na sinertipikahang urgent ng Palasyo para ipagpaliban ang eleksyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao ARMM na idaraos sa Agosto 8 ng taong ito. Ang isang kumokontra dito ay mismong si Senadora Miriam Santiago. Well, hindi na mapapagod si Senator Miriam sa pagsasampa ng kaso sa Korte Suprema para harangin ang panukalang postponement. Bakit?

Mismong taga-ARMM na ang nag-file sa Korte Suprema ng dalawang kaso laban sa House Bill. Ito ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Marawi at Lanao del Sur chapter at ng Association of Barangay Chairmen (ABC) ang nagsampa ng unang kaso na humingi  ng certiorari at temporary restraining order (TRO) laban sa HB.

Isa ring TRO petition ang isinampa sa Korte Suprema ng grupo ni Datu Michael Abas Kida at ng Maguindanao Federation of Autonomous Irrigators Association.

Nagsagawa pa ng public hearing kuno ang mga kongresista sa Marawi, Zamboanga at Cotabato pero binalewala rin ang nagsusumigaw na pagtutol ng mga taga-ARMM sa pagsasabay ng eleksyon nila sa 2013 national at local elections. Tingnan mo nga naman ang nagagawa ng pork barrel – ang mali ay nagagawang tama.

Kaya mainam na rin  na papelan na ni Madame Miriam ang isyu para matigil na ang kabaliwan na ipagpaliban ang eleksyon sa ARMM para lang mapasakan nila ng officers in charge (OICs) ang mga posisyon sa ARMM na mababakante sa Setyembre. Yung elective positions ay dapat punan sa pamama­gitan ng eleksyon at hindi sa pamamagitan ng appointments. Hindi naman tayo dictatorship, di ba?!

At tingnan ninyo ang “ironic” o balintunang pangyayari. Si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos na sinasabing anak ng dating diktador ang  nagtatanggol ngayon sa demokrasya at karapatan ng mga Muslim na ihalal ang kanilang mga lider. Si Bongbong ang chairman ng Senate committee on Local Governments.

Malinaw kasi na labag sa ARMM Organic Law ang    pagpapaliban sa ARMM elek­syon at pagtatalaga ng OICs. Kapag nagkataon mapa­pahiya ang Senado kung pagtitiba-    yin ang batas tapos ibabasura ng Korte Suprema. In effect, ililigtas pa ng Senado ang Kongreso sa sobrang kahihiyan dahil sa Senado pa lang ay ma­babasura o dead in the water na yang House Bill na iyan!

Show comments