DALAWANDAAN at labing-siyam na kongresista ang nais ihimlay si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Dinadakila siya ng Armed Forces of the Philippines kabilang sa 39 na Medalists of Valor. Pinawalang-sala ng Korte Suprema si pangunahing Marcos crony Danding Co juangco sa bilyun-bilyon-pisong coconut levy fund scam.
Pinahihinto ng mga nangyayaring ito ang lahat ng Pilipino upang mag-isip-isip: maling mali ba sila sa EDSA 1986?
Nakaukit sa kasaysayan ang EDSA People Power Revolt, Pebrero 22-25, 1986. Winakasan nito ang 14 na taong diktadurya militar ni Marcos, na kinabilangan ng pagmamalupit, panlilinlang at pangungulimbat sa taumbayan. Sinimulan nito ang pagbabalik ng demokrasya, kasama ang malayang pagsasalita at pagtitipon, halalan ng mga pinuno, at pangangalakal ng sinomang nagnanais.
Natural may mga magka-kontra. Para sa mga maka-Marcos at pati mga kalaban niyang Pula, ibinalik lang ng EDSA Revolt ang lumang elitistang sistema, anarkiya ng krimen, pati ang bangayan sa politika. Para sa mga lumaban kay Marcos, sinimulan ng EDSA ’86 ang pagpapanagot sa kanya, sa lumang militar, at sa cronies ng pagpaslang, torture, dukot at kulong nang walang salang libo-libong mamamayan, at pagnakaw ng mahigit $10 bilyon sa kaban ng bayan.
Dapat lang daw ilibing na bayani si Marcos dahil beterano siya at dating Pangulo; maibabaon na rin umano ang pagkaka-hati-hati ng mga Pilipino. Huwad na bayani si Marcos, anang mga kalaban. Hindi komo sundalo’y sa Libingan na ihihimlay, lalo na’t peke umano ang 37 medalya ni Marcos. Inabuso umano niya ang pagka-Pangulo.
Ikaw ba, saan panig?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com