Kung ako si P-Noy – ang ating president
ang performance rating di ko papansinin;
Gagawin ko na lang ang mga tungkuling
sa abot ng kaya ay marapat gawin!
Kung ako si P-Noy tahimik lang ako’t
mga ginagawa di na ibabando;
Kahit nasa lunsod o malayong dako
basta’t sa kabayan maglilingkod ako!
Kung ako si P-Noy di ako sasali
sa mga gawaing bida ang sarili;
Sa lahat ng oras ako’y magsisilbi
sa mga tungkulin kahit nakakubli!
Kung ako si P-Noy di ko papatulan –
mga pagbobrodkas ng ilang mediamen;
Kadalasan kasi sila’y kasamahan –
pero mga tanong ay insulto lamang!
Mga nasa dyaryo, sa TV at radio-
dapat lang tumulong sa ating pangulo;
Ang inyong pagtulong dapat tapat ito
at hindi pagtulong na ang bida’y kayo!
Kung ako si P-Noy ako’y bibisita
sa lahat ng lugar na nasasalanta;
Mga mahihirap daramayan sila
na di kailangang may’rong litratista!
Kung ako si P-Noy ako’y didistansya
sa mga tauhang gusto’y kompetensiya;
Bayaan ko na lang kung sila’y may kaya
purihin mo na lang sa diskarte nila!
Kahit na bumaba ang performance rating
basta’t natapos ko ang marapat gawin;
Sabihin mang sila’y talagang magaling
kung nakabubuti’y okey lang sa akin!