PELIGROSO pala ang gusali ng Philippine Tuberculosis Society na dating kinaroroonan ng opisina ng Philippine Charity Sweepstakes Office kung magkakaroon ng intensity 7.6 lindol. Mismong ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagbigay ng babala.
Kaya agad-agad nagpasya ang bagong chair ng PCSO na si Margie Juico na ilipat ang tanggapan sa mas ligtas na lugar sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Pero hindi maintindihan ng marami kung bakit nagalit si dating PCSO Chair Manoling Morato. Panay ang upak-banat kay Margie sa ginawang paglilipat sa tanggapan. Bakit nga ba? Iyan ang tinatawag na 50 million dollar question.
Sa isang interview sa radyo, tahasang tinanong si Manoling ng grupong Concerned Citizens for Speedy Justice (CCSJ) kung managot ito sa pinsala (kasong kriminal o sibil) kung sakaling lumindol at magiba ang lumang gusali at may mga taong mapapahamak.
Ang naganap na malaking lindol sa Japan ay talagang nakakabahala, sabi ng CCSJ. Pagkatapos, may mga prediksyon pa na susunod na yayanigin ng malakas na lindol ang Pilipinas.
Nabalitaan pa natin na tinanggihan ng maraming newspapers ang isang malisyosong advertisement na bumabanat kay Margie dahil umano’y libelous ang nilalaman. Huwag naman sanang si Manoling ang pinagmulan ng rejected ads na ito.
Ang isang ads ay pagbatikos daw sa isang matagal nang namayapang public servant at ang isa’y idinadawit pati ang anak ni Juico.
Ipinagtataka rin ng ilan ang tunay na pagkatao ng isang Fely L. na sinasabing matalik na amiga ni Morato na namagitan sa sinasabing “shady transaction” ng dating PCSO chair nung administrasyon ni Fidel Ramos.
Ano nga ba ang hiwagang bumabalot sa taong ito? Marahil si Mr. Morato lang ang makapagbibigay linaw.